NAPANATILI ng Super Typhoon Pepito ang lakas nito at posibleng makapinsala at maging banta sa buhay habang nagbabadyang manalasa sa hilagang bahagi ng Luzon bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility.
Kahapon ay naglabas ng heavy rainfall warning ang PAGASA state weather bureau, para sa malaking bahagi ng Luzon dahil sa bagyong Pepito matapos mag-landfall sa Quezon.
Bilang paghahanda sa posibleng malawakang pagbaha, binuksan ang gate ng ilang dam sa Luzon nitong Linggo ng umaga upang magpakawala ng tubig bago pa magbuhos ng malakas na pag-ulan si Pepito (international name: Man-Yi).
Kabilang dito ang Ambuklao, Binga, San Roque, at Magat dam.
Bukas ang apat na gate ng Ambuklao Dam sa Benguet na malapit na rin sa spilling level. Bukas din ang apat na gate ng Binga Dam sa Benguet, habang dalawang gate ng San Roque Dam ang binuksan. Binabantayan naman ang Magat Dam na nasa 181.93 metro, malapit na sa 193-meter spilling level.
Inaasahang magdudulot si Pepito ng heavy to intense rains (100-200 mm) sa Benguet, Pangasinan, at iba pang lugar sa hilagang Luzon simula kahapon, ng Linggo, ayon sa PAGASA.
Samantala, bukod sa dalawang napaulat na nasaktan bunsod ng bagyo ay umabot naman sa 24,000 families, o 75,000 katao ang nananatili sa 566 evacuation centers sa iba’t ibang panig ng bansa sanhi ng nakahilerang mga bagyo na tumama sa Pilipinas.
Bukod sa nasabing bilang ng evacuees ay may 36,000 o 11 libong pamilya naman ang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.
Ayon sa ulat ng National Risk Reduction and Management Council nitong Linggo ng umaga, nasa 238,000 families – 825,000 katao na ang naapektuhan ng Super Typhoon Pepito, karamihan dito ay nasa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol region at Cordillera Administrative Region.
Isang 16-anyos na binatilyo ang naputulan ng kanyang daliri nang hampasin ng malakas na hangin ang pinto ng evacuation center sa Dilasag, Aurora. Habang isang 37-anyos na lalaki naman ang nasaktan dahil sa nylon rope sa Barangay Masagana.
Umabot na sa P469 million ang iniulat na inisyal na danyos sa imprastraktura sa Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera. (JESSE KABEL RUIZ)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)