PATAY ang apat na pinaghihinalaang mga kidnapper matapos makasagupa ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group- Visayas Field Unit sa Lapu-Lapu City.
Bukod sa pagkakapatay sa mga hindi pa nakikilalang suspek, nasagip ng PNP-AKG ang biktimang Chinese national sa operasyon na ikinasa nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat na isinumite ng PNP-AKG sa tanggapan ni PNP Officer in charge Lt. Gen Vicente Danao, naglatag ng rescue mission ang mga tauhan ni PBrig. Gen. Rudolph B Dimas kasunod ng ulat na isang dayuhang negosyante ang dinukot sa Barangay Bangkal, anim na araw na ang nakalipas.
Katuwang ng PNP-AKG sa nasabing rescue operation ang mga tauhan ng Anti-Kidnapping Group Visayas Field Unit, Regional Intelligence (RID-7), Regional Special Operations Group (RSOG-7), Lapu-Lapu City Police Office (LCPO), at Highway Patrol Group (HPG-7).
Nangyari ang engkwentro sa isang residential subdivision sa Bangkal at makalipas ang ilang minuto ay nasagip ang 70-anyos na biktimang si Lyu Xingou, na ikinulong ng mga suspek sa kulungan ng aso.
Si Xingou ay dinukot umano ng mga armadong lalaki sa garahe ng inuupahang bahay sa Bangkal Village, Cebu City noong May 25, 2022. (JESSE KABEL)
319 