ARESTADO ang isang 43-anyos na lalaki matapos umanong mahuli sa akto ng iligal na pagkukumpuni at pagkonekta ng mga kable ng kuryente o jumper sa West Riverside, Barangay San Antonio, Quezon City, nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 15.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jon.” Nakumpiska mula sa kanya ang mga hinihinalang ninakaw na kable ng kuryente, isang martilyo, pliers at dalawang improvised na pait.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang operasyon matapos makipag-ugnayan ang Manila Electric Company (Meralco) kaugnay ng mga nawawalang kable at iba pang pasilidad ng kuryente sa lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, ginagamit umano ng suspek ang mga nakaw na kable upang ilegal na magkaloob ng suplay ng kuryente sa tinatayang 30 hanggang 40 pamilya.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity Pilferage Act, na may katapat na parusang pagkakakulong at multang P50,000 hanggang P100,000.
Ayon kay Quezon City Police District Acting Director Police Brigadier General Christopher Olazo, patuloy ang pakikipagtulungan ng pulisya sa Meralco upang masugpo ang pagnanakaw ng kuryente at mga pasilidad na ginagamit sa paghahatid nito.
Muli namang hinimok ng Meralco ang publiko na iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa pagnanakaw ng kuryente at ilegal na koneksiyon.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, pinahahalagahan ng kompanya ang pagtugon ng pulisya sa mga ganitong kaso at patuloy itong makikipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko.
Maaaring iulat ng mga customer ang mga alalahanin sa serbisyo ng kuryente sa pamamagitan ng MyMeralco app, opisyal na Facebook page at X account ng Meralco, o sa pamamagitan ng pagtawag sa hotline na 16211.
91 