4 LUGAR MAKARARANAS NG MATINDING TAGTUYOT SA MARSO 2027

El Niño-6

PINAYUHAN ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko na paghandaan ang posibleng epekto ng matinding tagtuyot sa mga susunod na buwan bunsod ng El Niño, na inaasahang makaaapekto sa pamumuhay ng maraming Pilipino.

Sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 428,000 indibidwal na ang naapektuhan ng El Niño sa buong bansa.

Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring umabot sa napakalakas na antas ang El Niño sa pagtatapos ng 2026 at magpatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027.

Ayon sa situational report ng OCD, nasa 115,246 pamilya ang naapektuhan ng tagtuyot sa Cagayan Valley, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), Bicol Region at Caraga.

Dahil sa naturang weather phenomenon, isinailalim na sa state of calamity ang 106 lungsod at munisipalidad.

Sa bilang na ito, 66 ang nasa Cagayan Valley, 23 sa Caraga, 12 sa Bicol Region, apat sa Calabarzon at isa sa Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City).

Sinabi pa ng OCD na nasa P45,493,054.06 halaga ng tulong ang naipagkaloob sa 34,649 pamilya, katumbas ng 73.74 porsyento ng mga pamilyang nangangailangan ng tulong.

Samantala, sinabi ng Department of Agriculture (DA) noong Setyembre na umabot na sa 223,214 magsasaka sa 14 na rehiyon ang naapektuhan ng El Niño, habang nasa P6.87 bilyon na ang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Inaasahang mas maraming pamilya at lugar ang maaapektuhan habang tumitindi ang El Niño sa huling bahagi ng taon at nagpapatuloy hanggang sa unang bahagi ng 2027.

Sinabi rin ng PAGASA na mas maraming lugar ang makararanas ng tagtuyot mula Oktubre 2026 hanggang Marso 2027 habang patuloy na umiiral ang El Niño sa bansa.

Samantala, sinabi ni PAGASA weather specialist Junie Ruiz na makararanas ng mas madalang na pag-ulan ang bansa matapos ang pagtatapos ng Southwest Monsoon o Habagat.

Ayon kay Ruiz, anim na lalawigan sa Luzon at Visayas ang makararanas ng tagtuyot sa Oktubre at Nobyembre, na magpapatuloy hanggang Marso 2027.

Batay sa weather forecast, 17 lugar ang inaasahang makaranas ng tagtuyot pagsapit ng Disyembre. Tataas ito sa 45 lugar sa Enero 2027, 78 sa Pebrero at 84 lugar pagsapit ng Marso 2027.

(JESSE RUIZ)

44

Related posts

Leave a Comment