‘UMBAGERONG MISTER’ TIMBOG SA SHABU

ANGONO, Rizal — Isang 36-anyos na lalaki ang nahuli sa buy-bust operation laban sa ilegal na droga sa Barangay Kalayaan, Angono, Rizal, noong gabi ng Oktubre 6, 2026.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Dondon,” residente ng Kandrenai, Barangay Kalayaan sa nasabing bayan.

Ayon sa Angono Municipal Police Station, isinagawa ang operasyon bandang 10:31 p.m., kung saan nakumpiska kay Dondon ang isang sachet na naglalaman umano ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.17 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,156. Nasamsam din ang dalawang tig-₱100 na perang ginamit umano bilang marked money.

Pinangunahan ng Drug Enforcement Team ng Angono MPS sa pamumuno ni PCPT Rommel D. Anuran ang operasyon, kasama sina PSSg Ralph Randolf C. Sison at PCpl Rannel R. Tisoy.

Ayon sa pulisya, nagsimula ang imbestigasyon matapos magbigay ng impormasyon ang isang umano’y mapagkakatiwalaang impormante noong Setyembre 21 tungkol sa pagbebenta ng ilegal na droga sa lugar.

Nabanggit din sa ulat na madalas umanong bugbugin ng suspek ang kanyang asawa, na isa sa mga impormasyong nakalap ng mga awtoridad.

Nahaharap si Dondon sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nananatili siyang nakakulong sa Angono MPS habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa Office of the Provincial Prosecutor sa Rizal.

(KNOTS ALFORTE)

37

Related posts

Leave a Comment