4 RIDERS PATAY SA AKSIDENTE

ILOILO – Patay ang apat na motorcycle riders, kabilang ang isang natusok ang ulo ng nakausling bakal sa construction site, sa magkakahiwalay na aksidente sa lalawigang ito, noong nakalipas na linggo, ayon sa ulat ng pulisya nitong Lunes.

Dead on arrival sa pagamutan si Edwardo Rodriguez, 56, ng Barangay Man-it sa Passi City, Iloilo makaraang matusok ng bakal sa ulo sa nabanggit na barangay.

Ayon sa imbestigasyon ng Passi City PNP, pauwi ang biktima sa kanilang bahay sakay ng kanyang motorsiklo nang mabangga niya ang isang early warning device ng kinukumpuning kalye.

Agad nagresponde ang rescue team ng Passi BFP at dali-daling pinutol ang bakal na nakatusok sa ulo ng biktima at itinakbo sa ospital ngunit idineklarang ang dead on arrival.

Agad namang nalagutan ng hininga ang dalawang lalaki habang sugatan naman ang isa pang biktima nang bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang puno sa bayan ng Tubungan sa Iloilo.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga namatay na sina Emmanuel Doquito driver ng motorsiklo, at isang menor de edad. Nasugatan naman si Ramel Gange, 21, residente ng nasabing bayan.

Ayon sa imbestigasyon ng Tubungan PNP, papunta ang mga biktima sa isang birthday party nang bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa puno ng langka.

Sa lakas nang pagkakabangga, agad binawian ng buhay ang dalawang biktima habang ‘stable’ na ang kalagayan si Gange na naitakbo agad sa ospital.

Isang menor de edad naman ang namatay matapos bumangga ang kanyang sinasakyang motorsiklo sa isang truck sa bayan ng Dingle at sa lakas ng impact ay nagkalasog-lasog ang katawan nito.

Ayon sa imbestigasyon ng Dingle PNP, pauwi sa kanilang bahay ang biktima nang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo nito sa nakaparadang truck sa gilid ng kalsada.

Napag-alaman, na-flat ang gulong ng nasabing truck kaya nakaparada ito sa gilid ng daan ngunit dahil madilim sa lugar ay hindi ito napansin ng biktima. (JESSE KABEL)

253

Related posts

Leave a Comment