TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na gagamitin nang maayos at wasto ang panukalang P245.44 bilyong pondo ng pambansang pulisya para sa 2027.
Kasunod ito ng pagkakakuha ng PNP ng karagdagang P2.913 bilyon sa plenary deliberations ng Senado sa panukalang 2027 national budget nitong Huwebes, bukod sa nauna nang P242.53 bilyong hinihinging pondo.
“We ensure, and we will commit that this will be properly utilized,” pahayag ni Nartatez sa mga mamamahayag sa Camp Crame.
Ayon sa PNP, gagamitin ang dagdag na pondo sa pagpapagawa at pagkumpleto ng mga regional police headquarters at police station, gayundin sa pagpapahusay ng mga pasilidad sa pagsasanay.
Ilalaan din ito sa pagpapalakas ng tourist police operations, intelligence at anti-illegal drug operations, at kampanya laban sa agricultural economic sabotage.
Matatandaang nauna nang humiling ang PNP ng karagdagang ₱1.5 bilyon para sa mga infrastructure project at rehabilitasyon ng mga pasilidad nito.
Ayon pa sa PNP, inaasahang higit na mapalalakas ng karagdagang pondo ang kakayahan nitong magsagawa ng operasyon, kahandaan ng institusyon at paghahatid ng epektibong serbisyong pangkaligtasan sa publiko.
(JESSE RUIZ)
38 