SENIOR CITIZEN NA PASAHERO NG E-BIKE, PATAY SA HIT-AND-RUN

PATAY ang isang 65-anyos na senior citizen matapos tumilapon mula sa sinasakyang electric bike (e-bike) nang mabangga ito ng isang Mitsubishi L300 na tumakas sa Naic, Cavite, nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang biktima sa alyas na Bibiana, residente ng Timalan Balsahan, Naic, Cavite.

Unang isinugod ang biktima sa Naic Medicare Hospital bago inilipat sa San Lorenzo Hospital, ngunit namatay din habang ginagamot dahil sa tinamong malubhang pinsala.

Sa ulat, dakong alas-10:00 ng umaga nang maganap ang aksidente sa Antero Soriano Highway, Barangay Ibayo Silangan, Naic.

Minamaneho ni alyas Joel ang e-bike habang ang biktima ang angkas nito nang masagi sila ng isang Mitsubishi L300 na may plakang NKE 7901.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nawalan ng kontrol ang driver ng e-bike at tumilapon ang senior citizen sa kalsada.

Sa halip na huminto at tulungan ang biktima, mabilis na pinaharurot ng driver ng L300 ang sasakyan patungo sa direksyon ng Tanza, Cavite.

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Land Transportation Office (LTO) at nagsasagawa ng backtracking sa mga CCTV footage upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tumakas na driver gamit ang plaka ng sasakyan.

(SIGFRED ADSUARA)

24

Related posts

Leave a Comment