9 KATUTUBO NA NAPATAY TERORISTA – PNP

PINANINDIGAN ng Philippine National Police (PNP) na mga miyembro ng Communist Party of the Philippine-New People’s Army terrorist group ang siyam na katutubo na napatay sa seye ng inilunsad na joint law enforcement operation sa Tapaz, Capiz noong Disyembre 30, 2020.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Tapaz Mayor Roberto Palomar na kanyang paiimbestigahan ang pangyayari at kung may kailangang managot ay pananagutin niya sa batas.

Ayon sa alkalde, nakalulungkot ang nangyari dahil na-trauma sa mga pulis at militar ang mga residente bagama’t naniniwala ito na hindi gagawin ng mga awtoridad na pumatay ng mga inosenteng sibilyan.

Una nang inihayag ng grupong Pamangga na kasapi ng Tumanduk nga Mangunguma nga Nagapangapin sang Duta kag Kabuhi (Tumanduk), na binubuo ng 17 indigenous people’s communities sa Tapaz ang napatay sa operasyon ng pulisya.

Ang mga nasawi ay mula sa mga barangay Tapaz, Lahug, Nawayan, Tacayan, Aglinab, Acuna at Daan Sur.

Sa isang panayam, sinabi ni PNP spokesperson, B/Gen. Ildebrandi Usana, dumaan sa masusing intelligence investigation ang naturang operasyon.

Agad daw nag-apply ng search warrant sa korte ang pulisya matapos sabihin ng ilang witness na may armadong teroristang grupo sa kanilang lugar.

Ayon sa tapagsalita ng PNP, posibleng nanlaban ang ilan sa mga napatay na indigenous people dahil may ilan namang naaresto nang buhay.

“Meron pong hindi siguro sumang-ayon doon sa mga supposed na pagse-serve ng search warrant sa kanila. As a result, meron pong encounter at meron nga pong namatay po,” ani Usana sa isang panayam.

Magugunitang bago pumasok ang Bagong Taon, isang joint Army and police law enforcement operation ang ipinatupad, bitbit ang 28 search warrants mula sa korte sa Maynila.

Siyam na katutubo ang patay matapos maghain ng search warrants ang PNP laban sa mga inaakusahang miyembro ng New People’s Army sa Western Visayas habang 17 naman ang nadakip. (JESSE KABEL)

109

Related posts

Leave a Comment