BATANGAS – Patay ang isang incumbent barangay chairman matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa bayan ng Taal sa lalawigang ito, nitong Martes ng umaga.
Kinilala ni Major Fernando O. Fernando, hepe ng Taal police, ang biktimang si Erasmo “Resty” Divino Hernandez, chairman ng Barangay Poblacion, Zone 10, Taal, Batangas.
Batay sa report ng Taal police, nakatayo si Hernandez sa harap ng kanilang barangay hall nang lapitan ng mga suspek at pinagbabaril bandang alas-7:20 ng umaga.
Naisugod pa sa Lemery Doctors Medical Center si Hernandez pero nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa emergency room ng ospital.
Inaalam pa ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa pamamaslang at kung may kaugnayan ito sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan election.
Si Hernandez ay muling tatakbo sana bilang barangay chairman sa darating na eleksyon.
(NILOU DEL CARMEN)
