PINAALALAHANAN ng Korte Suprema ang mga piskal na hindi lamang nila tungkulin ang makakuha ng hatol na pagkakasala laban sa mga akusado kundi tiyaking naihahatid ang tunay na hustisya.
Ito ang binigyang-diin ni Associate Justice Maria Filomena Singh sa kanyang talumpati hinggil sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) sa isinagawang panunumpa ng mga regional, provincial at city prosecutor.
Ayon kay Singh, hindi lamang titulo ang pagiging “minister of justice” ng isang piskal.
Aniya, ang kanilang tungkulin ay hindi nasusukat sa dami ng kasong naipanalo, sa papuri ng publiko, o sa kagustuhan ng sinomang tao o institusyon.
Binigyang-diin din niya na ang panunumpa ng mga piskal ay hindi basta pormalidad lamang kundi isang pangakong susundin ang Konstitusyon, ang batas at paglilingkuran ang sambayanang Pilipino.
Dagdag pa ni Singh, mahalaga hindi lamang ang kakayahan ng mga piskal kundi maging ang kanilang integridad at pananagutan sa paggamit ng kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila ng estado.
(JULIET PACOT)
67 