BOC KINASUHAN ANG 5 FORWARDING FIRMS SA BALIKBAYAN BOX ANOMALY

NAGSAMPA ang Bureau of Customs (BOC) ng ikalawang batch ng criminal complaints sa Department of Justice (DOJ) laban sa limang cargo forwarding firms na umano’y sangkot sa iregularidad sa operasyon ng mga balikbayan box.

Kinasuhan ang Ikthus Trading Corporation, Marcelo D. Laylo Cargo Forwarders, Me Amoree International Consumer Goods Trading, MT De Guzman Non-Specialized Wholesale Trading at Cargoflex Haulers Corporation dahil sa umano’y paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at iba pang kaugnay na batas.

Batay sa imbestigasyon ng BOC, nasa 3,176 abandoned balikbayan boxes ang nasangkot sa mga kaso na natuklasan sa iba’t ibang pantalan sa bansa.

Lumabas din umano ang iba’t ibang modus tulad ng misdeclaration, undervaluation, ilegal na deconsolidation, smuggling, maling deklarasyon ng komersyal na produkto at pagpasok ng mga ipinagbabawal at regulated items.

Ayon sa BOC, bahagi ito ng pinaigting na kampanya laban sa mga cargo operators na lumalabag sa mga umiiral na regulasyon at nakaaapekto sa tiwala ng mga overseas Filipino worker (OFW) at kanilang mga pamilya.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng ahensya at inaasahan ang pagsasampa ng karagdagang kaso laban sa iba pang kompanya sa mga susunod na linggo.

(JULIET PACOT)

120

Related posts

Leave a Comment