DUMATING sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame si Coach Tab Baldwin at iba pang opisyal ng Ateneo Men’s Basketball Team nitong Biyernes kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang manlalaro ng koponan sa Aurora.
Sa ambush interview, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na kabilang sa mga dumalo sina Baldwin, Dean Castaño, Em Fernandez at iba pang opisyal ng koponan.
Kaugnay ito ng fact-finding investigation ng CIDG sa pagkasawi ng mga basketbolistang sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Ayon kay Remulla, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon dahil may ilang hindi pagkakatugma sa mga pahayag ng mga coach at manlalaro hinggil sa nangyaring insidente.
“In the heat of it all kasi, nung nangyari ang lahat, iba ang accounts ng players, iba ang accounts ng coaches. Iba yung vantage point. Yung mga players, nasa dagat. Yung coaches, nasa pampang. Kinukuha lang namin yung full details tapos gagawa kami ng conclusive report,” ani Remulla.
Sinabi rin ng kalihim na dalawang minutong drone footage lamang ang naipadala ni Baldwin at patuloy silang naghahanap ng iba pang video habang isinasagawa ang rescue operation.
“The drone footage was very short. Parang two minutes lang after the fact. We’re still researching kung may footage sila of the event itself. So far, walang lumalabas,” aniya.
Dagdag pa niya, isang assistant coach o student manager umano ang nagpalipad ng drone habang isinasagawa ang pagsagip sa mga manlalaro.
Mahalaga aniya ang testimonya ni Baldwin dahil bilang head coach, nasa kanya umano ang halos 90 porsyento ng mga naging desisyon ng koponan.
Sa ngayon, hinihintay pa ng mga awtoridad ang pagkumpleto ng imbestigasyon bago magbigay ng pinal na komento sa insidente.
(TOTO NABAJA)
116 