PINAGPAPALIWANAG ng Comelec ang isang kandidato sa pagka-SK chairman sa Quezon City matapos ireklamo ng vote buying dahil umano sa inisponsorang out-of-town excursion.
Para sa mga nag-aakusa kay Judielyn Francisco, maituturing na vote buying ang binigay niyang libreng team-building seminar sa mga kabataan ng Barangay San Bartolome, Quezon City kamakailan.
Sa 19-pahinang dokumentong isinumite sa Comelec ng mga kabataang botante mula sa Novaliches, Quezon City, partikular na hiniling ni Arjay Lacsa Lorenzo sa poll body na idikwalipika si Francisco na tumatakbong SK chairman sa Barangay San Bartolome ng naturang lungsod.
Giit ni Lorenzo, hindi magandang ehemplo sa hanay ng mga kabataan ang aniya’y malinaw na pagbili ng boto ni Francisco sa mga botanteng kabataan.
Bukod aniya sa libreng outing na ginanap sa Paradise Adventure Camp sa lungsod ng San Jose del Monte sa Bulacan, sinagot din aniya ni Francisco ang lahat ng gastusin – mula sa transportasyon, hotel accomodation, pagkain at iba pa.
“The conduct of a leadership seminar cum team-building with the giving out of free food and liquor, one-night accommodation, and transportation to and from the venue is in violation of the Omnibus Election Code which strictly prohibits all forms of vote-buying,” ani Lorenzo sa kanyang nilagdaang salaysay.
“All these free perks are manifest of intention to influence, induce and corrupt the electorate,” dagdag pa niya.
Kalakip ng petisyon ni Lorenzo ang mga litratong kuha mismo ng isa sa mga dumalo sa naturang libreng pa-outing ni Francisco.
Hindi pa nakukunan ng pahayag ng SAKSI Ngayon ang inirereklamong kandidato.
Una nang nagbabala si Comelec Chairman George Garcia na hindi palalampasin ng Comelec ang mga mapatutunayang paglabag sa mga nakasaad na panuntunan kaugnay ng halalan.
“Sundin lang natin ang Omnibus Election Code para hindi kayo madiskwalipika. Masasayang lang kasi ang pinaghirapan niyo sa pangangampanya, bukod pa sa reputasyon niyong masisira,” ani Garcia.
“Don’t dare to put us to the test as we have proven in premature campaigning that we will file disqualification cases,” dagdag ni Garcia kasabay ng pagtitiyak na agad tutugon ang pollbody sa mga reklamo laban sa aniya’y pasaway na kandidato.
Nabatid na pumalo na sa mahigit 7,000 reklamo ang inihain laban sa mga kandidato para sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
227