MAYNILA, Pilipinas — Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Disability Rights Week mula Hulyo 17 hanggang 23, pinararangalan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang mga empleyado nitong bingi na sa pamamagitan ng kanilang dedikasyon at propesyonalismo ay nakatulong sa pagpapalakas ng operasyon ng koreo at nagsisilbing patunay ng matagal nang kultura ng inklusibong pagtatrabaho sa ahensiya.
Nakatalaga sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City, ang mga empleyadong ito ay gumaganap ng mahahalagang tungkulin tulad ng pagproseso, pag-uuri at paghahanda sa pagpapadala ng mga liham at parsela, gayundin ng iba pang suportang serbisyo. Dahil sa kanilang kahusayan, disiplina at masusing pagtatrabaho, naging mahalagang bahagi sila ng misyon ng PHLPost na maghatid ng maaasahang serbisyong koreo sa buong bansa.
Mahigit apat na dekada na ang pagsisikap ng PHLPost na isulong ang inklusibong pag-eempleyo. Noong nanungkulan bilang Postmaster General mula 1981 hanggang 1986, isinulong ng yumaong Kongresista Roilo Golez ang pagkuha ng mga may kapansanan sa pandinig bilang empleyado ng dating Bureau of Posts. Nakatulong ang inisyatibang ito upang mabuksan ang mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga bingi sa panahong hindi pa malawak na isinusulong ang inklusibong lugar ng trabaho.
“Patuloy na ipinakikita ng aming mga empleyadong bingi ang kanilang propesyonalismo, disiplina at dedikasyon sa paglilingkod sa publiko. Mahalaga silang bahagi ng pamilya ng PHLPost at malaki ang naging ambag nila sa pagpapalakas ng aming operasyon sa paglipas ng mga taon,” ani Postmaster General Maximo C. Sta. Maria III.
Marami sa kanila ang matagal nang naglilingkod sa PHLPost, na nagpapatunay na ang pagkakaroon ng kapansanan ay hindi hadlang sa kahusayan, mataas na antas ng produktibidad at mahusay na pagtutulungan. Ang kanilang mga tagumpay ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa isang lugar ng trabaho kung saan kinikilala ang bawat isa batay sa kakayahan, dedikasyon at mahusay na pagganap.
Habang patuloy na isinasagawa ng PHLPost ang modernisasyon at pagpapalawak ng mga serbisyo nito, nananatili itong nakatuon sa paglikha ng isang inklusibong lugar ng trabaho kung saan ang bawat Pilipino ay binibigyan ng pagkakataong makapag-ambag, umunlad at magtagumpay.
Sa pagdiriwang ng National Disability Rights Week, muling pinagtitibay ng PHLPost ang pagkilala sa mga empleyado nitong may kapansanan at ang pangako nitong bumuo ng isang lakas-paggawa na nagbibigay ng pantay na pagkakataon sa lahat upang makapaglingkod at makatulong sa pag-unlad ng bansa.
64 