NAALARMA kasabay ang takot na baka lumala ang kaso ng mga biktima ng diarrhea o gastroenteritis kaya maagap nagpaabot ng tulong ang Department of Health (DoH) sa Baguio City.
Ito ay upang makontrol ang kaso ng nagkakasakit at ipinapasok sa mga ospital.
Magugunitang nitong Miyerkules (Enero 10) nang ideklara bilang outbreak ni Baguio Mayor Benjamin Magalong ang patuloy na pagtaas ng kaso.
Isa itong karamdamang nagdudulot ng matubig-tubig na pagduming umaabot ng tatlo pataas sa isang araw.
Nagsimula ang pagtaas ng kaso ng diarrhea noong December 21, 2023 base sa preliminary finding ng Baguio City Health Office.
Sa ulat, may kabuuang 308 na kaso ng diarrhea mula Dec 21, 2023 hanggang January 7, 2024. Ang edad ng mga kaso ay mula 3 buwan hanggang 92 taon.
Nakaratay ngayon ang 11 pasyente sa iba’t ibang ospital. Wala pang naitalang namatay.
Kabilang sa mga sintomas nito ang pagkahilo, pagsusuka, lagnat at pananakit ng tiyan.
Madalas maiugnay ang diarrhea sa tubig o foodborne causative agents.
Sinusuri ng Baguio ang mga pinagmulan ng tubig habang dumarami ang mga kaso ng gastroenteritis.
(JULIET PACOT)
