AFP, USPACOM NAKUMPLETO JOINT MARITIME PATROL SA KABILA NG PAGBUNTOT NG MGA BARKO NG CHINA

MATAGUMPAY na nakumpleto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Pacific Command (USPACOM) ang kanilang ikalimang Bilateral Maritime Cooperative Activity sa West Philippine Sea noong Hunyo 27 hanggang 28 sa kabila ng pagbuntot ng apat na barko ng China.

Ayon kay BRP Antonio Luna Commanding Officer Captain Jennifer Monforte, inaasahan na nilang susubaybayan ng mga barko ng China ang kanilang maritime exercises.

“Lagi nating nade-detect si FFG 555. Siya ‘yung parating sumusunod sa atin dito tuwing pupunta tayo rito,” ani Monforte.

Lumahok sa aktibidad ang BRP Antonio Luna, Philippine Coast Guard vessels BRP Melchora Aquino at BRP Capones, habang idineploy naman ng Estados Unidos ang USCGC Charles Moulthrop (WPC-1141) at USCGC Emlen Tunnell (WPC-1145).

Sa loob ng dalawang araw, nagsagawa ang mga kalahok ng iba’t ibang interoperability activities kabilang ang Communication Exercises (COMMEX), Division Tactics (DIVTACS), Officer of the Watch Maneuvers, Photo Exercise (PHOTEX), Search and Rescue Exercise (SAREX), at Maritime Domain Awareness (MDA).

Ayon sa AFP, ipinapakita ng ikalimang bilateral maritime activity ngayong taon ang matatag na alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos, gayundin ang patuloy na pagpapalakas ng maritime domain awareness, operational interoperability at pagsuporta sa rules-based international order sa Indo-Pacific.

Isinagawa ang aktibidad sa kabila ng presensya ng People’s Liberation Army Navy frigate 555 at tatlong barko ng China Coast Guard na nagmamasid mula sa layong humigit-kumulang 50 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc.

“Hindi naman sila naka-hamper sa exercise natin,” ani Monforte.

Dagdag pa niya, mahalaga ang joint maritime patrol sa pagpapanatili ng presensya ng Northern Luzon Naval Command sa Bajo de Masinloc.

(JESSE RUIZ)

86

Related posts

Leave a Comment