NAKATAYA TIWALA NG PUBLIKO SA IMPEACHMENT TRIAL

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

LALARGA na sa July 6 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Isa ito sa pinakamainit na usaping pulitikal sa bansa kaya naman hindi kataka-takang tutukan ito ng publiko.

Ngayon pa lang, hati na ang opinyon ng mga Pilipino at asahang titindi pa hanggang sa panahon ng mismong paglilitis. Dahil dito, mahalagang maging maayos, patas, at kapani-paniwala ang buong proseso.

Sa gitna ng mga paghahanda sa mismong paglilitis ang mga usap-usapan kung sino ang dapat magsilbing Presiding Officer ng Senado. Kabilang sa mga madalas mabanggit si Senate President Sherwin Gatchalian, na ilang beses nang nagsalita tungkol sa kanyang paghahanda sakaling siya ang mamuno sa paglilitis.

Ngunit may mga nagtatanong kung siya ba ang tamang tao para sa tungkuling ito. Hindi maikakaila na iniuugnay siya ng ilan sa administrasyon at maging sa mga grupong sumusuporta sa impeachment laban kay VP Sara. Dahil dito, may pangamba ang ilan na baka magkaroon agad ng pagdududa sa pagiging patas ng magiging paglilitis.

Ayon mismo kay Gatchalian, ang impeachment ay isang political exercise. Kaya napakahalaga ng magiging papel ng Presiding Officer sa pagpapanatili ng balanse ng proseso. Kung may duda ang publiko sa taong namumuno, posibleng madamay ang kredibilidad ng buong impeachment trial at magmukha itong may nakahandang resulta.

May isa pang isyung binabanggit ng ilan. Hindi abogado si Gatchalian, kaya may mga nagsasabing mas magiging mabigat ang hamon sa pagresolba ng mga legal na usapin at pagtatalo ng prosecution at defense habang tumatakbo ang paglilitis.

Sa ganitong sitwasyon, maraming naniniwalang mas mainam kung ang mamumuno ay isang abogado na may sapat na karanasan at higit sa lahat, walang bahid ng pagkiling. Importante na parehong kampo ay magkaroon ng kumpiyansa na magiging patas ang bawat hakbang ng proseso.

May mga lumalabas ding usap-usapan na may ilang grupo sa Kongreso at Senado na umano’y nagtutulak kay Gatchalian dahil sa kanyang pagiging malapit sa administrasyon. Samantala, may mga bulong-bulungan din na itinutulak ng “pinklawan” si Senator Kiko Pangilinan bilang Presiding Officer, habang sinisiraan umano ang ibang mga posibleng pagpilian.

Mabigat na usapin ang impeachment kaya dapat nakatayo ito sa matatag at kapani-paniwalang pundasyon. Kung ang pagpili pa lamang ng Presiding Officer ay nagiging sentro na ng pulitika, baka lalo lamang lumalim ang pagkakahati ng publiko. Ang kailangan ngayon ay isang mamumunong may kakayahan, kredibilidad, at tiwalang maibibigay sa magkabilang panig.

113

Related posts

Leave a Comment