RIGODON MULING NAKAUMANG SA PNP

pnp

INAASAHAN ang panibagong bugso ng balasahan sa hanay ng senior officers ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ito ay upang punan ang nabakanteng pwesto ni PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia na nagretiro na noong Biyernes.

Sa kasalukuyan, wala pang inihahayag na kapalit sa nabakanteng pwesto ni Sermonia bilang Number 2 man ng PNP, ang pinakabatang miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class ’89.

Ilan sa mga opisyal na inaasahan o posibleng humalili ang Number 3 man ng PNP na si Police Lt. Gen. Michael John Dubria, kasalukuyang PNP Deputy Chief for Operation; at si Police Lt. Gen. Emmanuel Peralta na Chief Directorial Staff at No. 4-man ng PNP.

Sinoman ang umakyat ng puwesto ay tiyak na may domino effect gaya ng kung sino ang posibleng ilagay bilang The Chief Directorial Staff (TCDS) na maiiwang bakante sa pag-akyat ni Peralta.

Una nang sinabi ni Acorda na maraming bakante ngayon para sa promosyon ng mga pulis.

Nabatid na bukod sa inaasahang malawakang reshuffle, binabantayan din ang pagpapatupad ng PNP reorganization law. Sa ilalim ng nasabing batas ay sinasabing mga major general ang pahahawakin ng ilang Support Units sa Camp Crame.

Habang sa mga Area Police Command (APC) naman, ang mga itatalagang deputy chief ay kailangan brigadier general lamang subalit hawak ngayon ng major general.

Kasalukuyang pinag-aralan na rin ng Directorate for Personnel and Record Management ang pagpwesto ng mga opisyal sa mga bakanteng pwesto sa Pambansang Pulisya.

Halos dalawang buwan na ang nakalipas, may tatlong senior PNP officers ang inilipat ng kani-kanilang mga puwesto, na kinabibilangan ni PNP Retirement and Benefits Administration Services head Brig. Gen. Andre Dizon na ginawang PNP-PRO5 Director, kapalit ni Brig. Gen. Westrimundo Obinque, na ginawang acting director of the Directorate for Research and Development, na-promote naman si Col. Leon Victor Rosete, na nakatalaga sa Integrity Monitoring and Enforcement Group bilang pinuno ng PRBS.

(JESSE KABEL RUIZ)

183

Related posts

Leave a Comment