CAMILLE VILLAR NANAWAGAN NG MAS MAHIGPIT NA SEGURIDAD SA MGA PAARALAN

NANAWAGAN si Senator Camille Villar ng mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan at mas pinalawak na mental health support matapos ang madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Nagpahayag ang senador ng matinding kalungkutan sa insidente na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pa.

“Bilang isang ina at bilang senador, labis akong nasasaktan sa nangyaring trahedyang ito. Walang magulang ang dapat makatanggap ng balitang ang anak na pumasok sa paaralan upang mag-aral ay hindi na makakauwing muli,” ani Villar.

Iginiit niya na dapat manatiling ligtas na lugar ang mga paaralan kung saan malayang nakapag-aaral at nangangarap ang mga kabataan nang walang takot sa karahasan.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, sinabi ni Villar na hindi dapat hintayin ng gobyerno ang susunod na trahedya bago kumilos.

Nanawagan siya sa Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan, law enforcement agencies at school administrators na repasuhin at palakasin ang school safety measures, anti-bullying policies, counseling services at intervention programs para sa kabataan.

“Kailangan nating palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, komunidad, lokal na pamahalaan, at mga law enforcement agencies. Ang responsibilidad ng pagprotekta sa ating mga anak ay hindi maaaring nakaatang lamang sa iisang institusyon,” aniya.

Binigyang-diin din ni Villar ang kahalagahan ng pagtugon sa lumalaking problema sa mental health ng kabataang Pilipino.

Kaugnay nito, muling itinulak ng senador ang Senate Bill No. 1760 na naglalayong magtalaga ng Mental Health Officer sa bawat lungsod at munisipalidad upang mapalawak ang access sa mental health services.

“Ang pagkawala ng kahit isang kabataang buhay ay isa nang napakalaking trahedya. Hindi natin maaaring hayaang nakawin ng karahasan ang kinabukasan ng ating mga anak,” ani Villar.

(DANNY BACOLOD)

87

Related posts

Leave a Comment