DPA ni BERNARD TAGUINOD
NAGUSTUHAN ko ang post ni dating Senator Panfilo “Ping” Lacson sa kanyang X account na kanyang reaksyon sa giyera sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Lee Kuan Yew: “When elephants fight, the grass suffers.”
Juan de la Cruz: “When FPRRD and PBBM fight, the turncoats are confused”.
Tama nga naman dahil sa palagay ko, hindi alam ng mga politiko kung saan sila papanig sa dalawang nag-uumpugang kampo na kapwa may impluwensya sa mga politiko na walang bait sa sarili.
Bakit kamo? Si Junior ang nasa poder ngayon at sa ayaw at sa gusto ng mga politiko ay hanggang 2028 pa siyang mananatili sa kapangyarihan maliban lamang kung maamyendahan ang Saligang Batas at gawing dalawa ang termino ng Pangulo.
Mayroon pang apat na taon si Junior sa kapangyarihan at kapag kinalasan siya ng mga politiko lalo na sa Kongreso at kumampi ulit sila kay Digong, malaki ang mawawala sa kanila lalo na kung hindi siya magre-resign tulad ng hamon ni Davao City Mayor Sebastian Duterte.
Hindi rin papayag ang Pinoy na babalik sa kapangyarihan ang mga Duterte sa pamamagitan ni Vice President Sara Duterte dahil sa kanilang hindi magandang karanasan sa pamamalakad ni Digong sa bansa.
Nadala na kasi ang mga tao dahil hindi naresolba ni Digong ang problema sa droga, trapik, at katiwalian sa gobyerno dahil sa kanyang pamumuno, maraming taong malalapit sa kanya ang nasangkot sa katiwalian tulad ng Pharmally scandal.
Paano naman pagdating ng 2028 at tatakbo si Sara bilang Pangulo? Walang matibay-tibay na kalaban dahil ang oposisyon lalo na ang Liberal Party (LP), ay walang matunog na ilalaban sa anak ni Digong.
Kasama ‘yan sa nagpapalito sa mga balimbing na politiko kung sino ang papanigan nila kina Junior at Digong kaya ‘yung karamihan ay wait and see ang kanilang peg dahil mahirap nga naman kung papanig ka sa walang kasiguraduhang laban.
‘Yung mga balimbing lang naman ang nalilito at hindi ‘yung mga may prinsipyo na kahit anong mangyari, ay hindi nila iiwanan ang kanilang kinagisnang partido. Pero ang problema, mas marami sila.
Tandaan natin, noong si Gloria Macapagal Arroyo ang pangulo ng bansa, naglipatan sa Lakas-CMD ang mga politiko at noong namang nanalo si PNoy noong 2010 presidential election, ay naglipatan din sila sa LP.
Nabigo si PNoy na maipanalo ang kanyang manok na si Mar Roxas kaya ‘yung mga lumipat sa LP noon ay pumunta naman sa PDP-Laban ni Digong matapos siyang manalo noong 2016 presidential election.
Isa-isa ring kumalas ang mga balimbing sa PDP-Laban nang manalo naman si Junior noong 2022, at bagama’t hindi sa Partido Federal ng Pilipinas lumipat, sa partido ng kanyang pinsang si Speaker Martin Romualdez na Lakas-CMD naman sila lumipat. Nakalilito talaga kapag wala kang prinsipyo at sarili mo lang ang iniintindi mo.
187
