UMAPELA sa Senado ang isang mambabatas sa Kamara na ipasa na ang kanilang bersyon sa panukalang batas na sasagip sa maliliit na negosyante mula sa 5-6 lenders na lalong nagbabaon sa kanila sa kahirapan.
Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan, kailangan nang maipasa ang panukalang “Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso Act’ (P3) na papatay sa 5-6 na laging kinakapitan ng mga nagigipit na negosyante subalit ang taas ng sinisingil na tubo.
Base sa record ng Kamara, pinagtibay ng Kamara ang House Bill (HB) 7363 noong Marso 2023 sa ikatlo at huling pagbasa at isinumite na ito ng kapulungan sa Senado para sa kanilang hiwalay na bersyon.
Gayunpaman, hanggang ngayon ay hindi umuusad ang nasabing panukala sa Senado.
“The proposed P3 program under this measure will free micro entrepreneurs from the clutches of ‘five-six’ money lenders and loan scammers and offer them the opportunity to expand their businesses through easy-to-pay, low-interest credit,” ani Yamsuan.
Sa ilalim ng nasabing batas, maaaring makautang ng P5,000 hanggang P200,000 ang isang Medium and Small Enterprises (MSEs) sa Department of Trade and Industry (DTI) at tutubuan lamang ito ng hindi tataas sa isang porsyento kada buwan.
Maaari ring mangutang ang mga ito sa mga Public Financial Institution at 2.5% lamang ang tubo kada buwan na hindi hamak na mas mababa kaysa sa tubo sa mga nagpapa-5-6.
“If they are able to expand their businesses, then they would have to hire more workers. This means more jobs, more investments and more consumers spending money. The long-term gains under the P3 will make the program a prime driver of our economic growth,” ayon pa sa kongresista.
(BERNARD TAGUINOD)
