LEYTE – Natagpuang duguan at walang buhay ang isang kasambahay sa kanyang kuwarto sa isang apartment sa Brgy. Sta Cruz, sa bayan ng Palo sa lalawigan noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ng Palo Police ang biktima sa pangalang “Dylen”, 31, ng Barangay San Antonio, Palo.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, natagpuang may tama ng 50 saksak sa katawan ang biktima na agad nitong ikinamatay.
Huling nakitang buhay ang biktima dakong ala-1:00 ng hapon at nadiskubreng walang buhay dakong alas-6:30 na ng gabi.
Sinasabing dalawang babae na kasama sa trabaho ng biktima ang mga suspek matapos mabatid na nawawala ang mga ito makaraang madiskubre ang krimen.
Ngunit boluntaryong sumuko ang mga ito sa Baybay Police Station sa Baybay City, Leyte noong Huwebes.
Nakatakda silang iturn-over sa Palo Municipal Police Station.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen at inaalam ang motibo ng mga suspek.
(NILOU DEL CARMEN)
