AUG. 4 IDEDEKLARANG ‘CARLOS YULO DAY’ SA MAYNILA

IDEDEKLARA ng lungsod ng Maynila ang Agosto 4 bilang “Carlos Yulo Day”, ang double gold Olympic medalist na residente ng Leveriza sa Malate, Manila, na nakatakdang parangalan sa Manila City Hall sa Lunes, Agosto 19.

Ito ang napag-alaman mula kay Mayor Honey Lacuna na nagsabi na sila ni Vice Mayor Yul Servo ay nasa proseso na ng paghahanda para sa dalawang mahalagang pagtitipon para bigyan ng pagkilala ang true-blue Manileño na nagdala ng karangalan hindi lamang sa mga kapwa Manileños kundi sa buong bansa.

Ayon kay Lacuna, ang Manila City Hall ay magsasagawa ng programa para parangalan si Yulo at ipagkakaloob sa kanya ang cash incentive na nagkakahalaga ng P2 million.

Nabatid pa na ang schedule ni Yulo ay loaded kaya naman ang awarding ay gagawin na lamang sa Lunes.

Ayon pa sa lady mayor, ang isa pang Manileño na si EJ Obiena, ay pagkakalooban din ng cash incentive na nagkakahalaga ng P500,000.

Gayunman, ang cash incentive ni Obiena ay ibibigay nang mas maaga dahil pupunta pa ito sa ibang bansa sa Huwebes.

Sinabi pa ng alkalde, ang planong “Carlos Yulo Day” sa lungsod ng Maynila ay working holiday.

Ang petsang napili na Agosto 4 ang siyang araw na unang nanalo ng gintong medalya si Yulo.

Ang deklarasyon ng nasabing holiday sa pamamagitan ng isang resolusyon, ay ginagawa na ng Manila City Council sa pangunguna ni Servo bilang Presiding Officer. (JESSE KABEL RUIZ)

 

163

Related posts

Leave a Comment