DINAGSA ng mga taga-Maynila at non-Manilenos ang buong kahabaan ng ruta ng Victory Parade ng 2 times gold medalist na si Carlos Yulo at iba pang Pinoy athlete sa katatapos lamang na Paris 2024 Olympics.
Mula sa Aliw Theater, binaybay ng victory parade ang Roxas Boulevard, P. Burgos, Finance Road, Taft Avenue, Quirino hanggang sa Rizal Memorial Coliseum.
Lahat ng nag-aabang sa kalsada ay may hawak ding mga tarpaulin ng pagbati sa tagumpay ni Yulo at watawat ng Pilipinas habang iwinawagayway at sinasabayan ng dagundong ng tambol.
*Rizal Memorial Coliseum crowd
Napuno rin ng crowd sa Rizal Memorial Coliseum na karamihan ay mga estudyante mula sa iba’t ibang mga eskuwelahan, kolehiyo at unibersidad upang masilayan ang mga manlalarong Pinoy sa Olympics partikular ang mula sa lungsod ng Maynila na si Yulo.
Makikita sa crowd ang init ng kanilang pagsuporta at kagalakan sa tagumpay na nakamit ng mga atletang Pinoy dahil sa pag-uwi nila ng ilang medalya kung dumagundong ang ingay sa loob ng coliseum.
Si Yulo ay pagkakalooban ng P2 milyong financial reward o incentives dahil sa kanyang sakripisyo at ipinakitang galing sa larangan ng sports.
Habang si Ernest John Obiena naman ay makakatanggap ng P500,000 incentives.
Ang dalawa ay kapwa taga Maynila kung saan si Yulo ay mula sa Malate habang sa Tondo naman si Obiena.
*Mayor Lacuna suportado ang mga atletang Manilenyo
Suportado ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng Manilenyong atleta na sasabak sa susunod pang mga Olympics.
Sa panayam kay Mayor Lacuna sa heroes welcome kay Carlos Yulo at iba pang Filipino Paris Olympians sa Rizal Memorial Coliseum, napakasaya aniya dahil nagkalat ang mga tao sa kahabaan ng ruta na dadaanan ng float parade.
Sinabi ni Mayor Lacuna na bilang isang anak ng Maynila, ang lungsod ng Maynila ay talagang tuwang-tuwa sa karangalan na ibinigay ni Yulo hindi lamang sa lungsod kundi sa buong bansa.
Mensahe niya, na nawa’y magsumikap pa dahil may susunod pang Olympic upang maulit ang kanyang pagkapanalo at pagkakaroon ng gintong medalya.
Sa Lunes ng umaga ay nakatakdang tanggapin ni Yulo ang incentives na P2 milyon mula sa Manila LGU.
Ayon sa alkalde, nauna nang tinanggap ngayong alas 5:30 ng hapon sa Manila City Hall ni Ernest John Obiena ang kanyang incentives dahil siya ay kinailangang lumipad para sa isa pang laban sa Europe. (JOCELYN DOMENDEN)
135