NAGPAKALAT NG SEX VIDEO, 17-ANYOS PATAY SA SAKSAK

IDINEKLARANG dead on arrival sa pagamutan ang isang 17-anyos na binatilyo makaraang tadtarin ng saksak dahil sa umano’y pagpapakalat nito ng sex video ng isang babaeng estudyante, sa Brgy. 4, Hinigaran, Negros Occidental.

Nabatid sa ulat na ibinahagi ni Police Lt. Col. Eduardo Corpuz, hepe ng Hinigaran Police, ang 17-anyos na biktima ay pinagsasaksak ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek.

Napag-alaman, nilapitan umano ng hindi kilalang mga suspek na lulan ng motorsiklo, ang biktima habang nakaupo sa bangko, ilang metro ang layo mula sa kanilang bahay, at pinagsasaksak.

Nagawa pa umanong makauwi ng biktima sa kanilang bahay at nakahingi ng saklolo sa kanyang pamilya. Dinala ang biktima sa ospital kung saan idineklara itong dead on arrival.

Hinihinala ng pulisya na paghihiganti ang motibo ng mga suspek dahil sa akusasyong pagpapakalat ng biktima ng sex video ng isang babaeng estudyante. (JESSE KABEL RUIZ)

349

Related posts

Leave a Comment