KASALUKUYANG bina-validate ng binuong Special Task Group ang pahayag ng isang self-confessed member ng umano’y Angels of Death ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apoolo Quiboloy, na hawak ngayon ng Philippine National Police sa Davao.
Kinumpirma ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na nasa kustodiya ngayon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 11 ang umano’y kasapi ng “Angels of Death” ni ex-fugitive Pastor Quiboloy.
Ang Angels of Death ay matatandaang ginamit umano ni Quiboloy bilang panakot sa kanya mga menor de edad na biktima na hahabulin sila nito kapag nagkwento ng mga karanasan na kanilang sinapit sa kamay ni Quiboloy.
Inihayag ni PNP PIO chief, PCol. Jean Fajardo, kasalukuyang nilang bineberipika ang mga isinalaysay ng hindi muna kinilalang self-confessed private army member ni Quiboloy, subalit mistulang tugma umano ito sa naging pahayag ng mga biktima umano ng pangmomolestiya ni Quiboloy.
Sa ginawang pagsasalaysay ng hindi pinangalanang Angels of Death member, dati umano siyang miyembro ng KOJC ngunit tumiwalag. Sila umano ang nagpapataw ng corporal punishment sa mga miyembrong hindi sumusunod kay Quiboloy lalo na sa pastorals.
Magugunitang ang pastorals ay bahagi ng inner circle ng isang piling grupo ng mga kabataang babae na ang pinakabatang edad ay 12-anyos na umano’y nakaranas ng sexual abuse kay Quiboloy.
Una rito, lumutang ang isyu na ilan umano sa kasapi ng Angels of Death na nagsisilbing private armed group ni Quiboloy, ay mga Army Reservist at militiamen.
Inihayag ng Hukbong Katihan na nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa Philippine National Police upang beripikahin ang nasabing report na ilang Army reservists at militiamen ay sangkot sa Angels of Death, na umano’y private army ng nahuling self-proclaimed appointed son of God.
Ayon kay Col. Reynaldo Balido Jr., deputy chief of the Army Chief Public Affairs, may ilang kasapi ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ay mga reservist.
Sinasabing may mga kasapi ng KOJC ang nasa ilalim ng 2nd Reservist Signal Battalion.
Samantala, inihayag naman ni Col. Louie G Dema-ala, ang Army Chief Public Affairs, ang 2nd Reservist Signal Battalion ay may 540 reservists na kinabibilangan ng dalawang officer reservist at 538 Enlisted Reservist.
Subalit naka-deploy umano ang mga ito sa NCR, Visayas, at Mindanao kung saan mayroong satellite unit ang Sonshine Media Network Incorporated (SMNI).
Habang may 150 hanggang 200 reservists naman ang Davao base, ayon kay Col. Dema-ala.
Nabatid na ang KOJC station Sonshine Media Network Incorporated (SMNI) ay accredited bilang affiliated reservist unit ng Philippine Army noong pang 2015.
“They are on active duty status,” ani Balido. “They are called the 2nd Signal Battalion Philippine Army Affiliated Reserve Unit. Tinap natin sila because of their expertise in communications, nagagamit natin.”
Sinasabing hindi pa tukoy ang involvement nito sa hinihinalang private armed group ni Quiboloy kaya nakipag-ugnayan ang Hukbong Katihan sa PNP at iba pang government security agency.
Nilinaw ni Balido na ang mga reservist ay dapat na hindi armado.
Agad ding itinanggi ng kampo ni Apollo Quiboloy na mayroon silang Angels of Death o private armed groups, ang mayroon lamang umano sila ay prayer warriors.
Paliwanag ni Fajardo, lahat ng mga ibinunyag ng naturang kasapi umano ng Angels of Death, ay kanilang isusumite sa korte bilang ebidensya. (JESSE KABEL RUIZ)
120