PBBM PINULONG MGA AHENSYA PARA SA RELIEF, REHABILITATION SA MINDANAO QUAKE

PINULONG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Office of Civil Defense (OCD) at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang talakayin ang patuloy na relief at rehabilitation efforts para sa mga lugar na sinalanta ng magnitude 7.8 na lindol sa Southern Mindanao noong Hunyo 8.

Dumalo sa pulong ang mga kinatawan ng OCD, Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Inatasan ng Pangulo ang mga ahensya na tiyaking tuloy-tuloy ang pagkukumpuni ng mga nasirang imprastraktura, pamamahagi ng ayuda, pagtugon sa pangangailangan sa pabahay at relokasyon, gayundin ang pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente at iba pang pangunahing serbisyo.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng mabilis na pag-abot ng tulong sa mga liblib at mahihirap marating na komunidad sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Philippine Air Force, Philippine Navy at iba pang ahensya ng gobyerno.

Nakipagpulong rin sina OCD officials kasama si Glan, Sarangani Mayor Victor James “Tata” Yap Sr. upang talakayin ang mga pangangailangan ng mga residente kabilang ang shelter assistance para sa 2,252 kabahayan, rehabilitasyon ng mga kalsada at tulay, flood mitigation projects at pagpapanumbalik ng pampublikong pamilihan at terminal.

Nagsagawa rin ng inspeksyon ang mga opisyal sa OCD Water Filtration Station sa Glan Municipal Grounds upang matiyak ang sapat na suplay ng malinis na inuming tubig para sa mga apektadong residente.

Ayon sa OCD, patuloy ang koordinasyon ng mga ahensya sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong sa lahat ng komunidad na naapektuhan ng lindol.

Kabilang sa mga prayoridad ang pamamahagi ng relief goods, malinis na tubig, psychological first aid at iba pang serbisyong makatutulong sa pagbangon ng mga biktima.

Samantala, hinihikayat ng OCD ang publiko na makilahok sa 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill sa Hunyo 18, alas-9 ng umaga.

Ayon sa ahensya, mahalaga ang regular na pagsasanay ng “Duck, Cover and Hold” at iba pang evacuation procedures upang higit na mapalakas ang kahandaan ng mga mamamayan sa oras ng lindol at iba pang kalamidad.

(JESSE RUIZ)

72

Related posts

Leave a Comment