FLOATING PLATFORM SA BAJO DE MASINLOC, POSIBLENG MAY MILITARY PURPOSE — AFP

HINDI inaalis ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang posibilidad na may layuning militar ang isang floating platform na namataan sa paligid ng Bajo de Masinloc at hinihinalang konektado sa isang Chinese research vessel.

Patuloy na binabantayan ng AFP ang naturang aktibidad sa West Philippine Sea malapit sa lalawigan ng Zambales na pinaniniwalaang may kaugnayan sa marine o underwater research activities.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad, anumang marine scientific research ay maaaring magbigay ng impormasyon na magagamit para sa ekonomikong, pangkapaligiran at maging pangmilitar na layunin.

“Any marine scientific research conducted could provide information for one particular nation, so all these can be used either for economic, environmental, and even military purposes,” ani Trinidad.

Sa press briefing sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, sinabi ng opisyal na mahalagang mabantayan ang anumang pananaliksik na isinasagawa sa naturang lugar.

Iginiit naman ni Philippine Navy spokesperson Capt. Marissa Martinez na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc batay sa arbitral ruling noong 2016 kaya walang karapatan ang China na magtayo ng anumang estruktura rito nang walang pahintulot ng bansa.

Dahil dito, patuloy na mino-monitor ng Philippine Navy, Philippine Air Force at Task Force on the West Philippine Sea ang mga aktibidad sa lugar.

Ayon pa kay Martinez, pinag-aaralan at iniimbestigahan ng AFP ang galaw at mga aktibidad sa paligid ng Bajo de Masinloc upang matukoy ang posibleng implikasyon nito sa seguridad ng bansa.

Samantala, sinabi ni Trinidad na hindi titigil ang AFP sa pagdodokumento ng mga kaganapan sa West Philippine Sea upang hindi na maulit ang nangyari sa Panganiban Reef o Mischief Reef noong dekada 1990.

“The AFP will not stop documenting because this particular documentation will not disappear. We will not let the same incident that happened on Mischief Reef in 1995 when it was reported as a simple shelter, and then later became a military base,” ani Trinidad.

(JESSE RUIZ)

74

Related posts

Leave a Comment