DSWD nagpaabot ng tulong sa pamilya 14-ANYOS NA PWD NASAWI SA BUGBOG NG 6 KABATAAN

NAGPAABOT ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng agarang tulong pinansyal at psychosocial support sa pamilya ng 14-anyos na person with disability (PWD) na nasawi matapos umanong bugbugin ng anim na kapwa menor de edad sa Parañaque City.

Ayon sa DSWD, nagsagawa ng home visit ang mga social worker mula sa Central Office noong Hunyo 11 upang matukoy ang agarang pangangailangan ng pamilya kasunod ng insidente.

Matapos matukoy ang suliraning pinansyal ng pamilya, nagbigay ang ahensya ng P10,000 na ayuda para makatulong sa gastusin sa pagpapalibing ng biktima.

Inendorso rin ng DSWD ang kaso sa Parañaque City Social Welfare and Development Office (CSWDO) upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng psychosocial interventions sa nagdadalamhating pamilya.

“We are deeply saddened by this loss and we want to assure the family that the Department is here to support them during this difficult time,” ayon kay Crisis Intervention Program (CIP) Director Edwin Morata.

Magugunitang isinugod sa ospital ang 14-anyos noong Hunyo 5 at kalaunan ay inilipat sa Las Piñas District Hospital matapos magtamo ng matinding pinsala. Binawian siya ng buhay kinabukasan dahil sa traumatic brain injury.

Bago pumanaw, nagawa pa umano ng biktima na matukoy ang mga umano’y umatake sa kanya sa pamamagitan ng video call na isinagawa sa ospital sa harap ng mga awtoridad.

Kasalukuyang nasa Bahay Pag-asa sa Parañaque City ang anim na menor de edad habang nakabinbin ang kaukulang legal na proseso laban sa mga ito.

Sinabi ni Morata na bukod sa pagtulong sa pamilya ng biktima, nakikipag-ugnayan din ang DSWD sa mga lokal na awtoridad upang matiyak na maibibigay ang mga kinakailangang intervention at rehabilitation services sa mga batang sumasalungat sa batas alinsunod sa umiiral na mga batas.

Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, may karapatan ang mga child in conflict with the law (CICL) sa mga programang rehabilitasyon at interbensyon na naaayon sa kanilang edad at kalagayan.

(PAOLO SANTOS)

106

Related posts

Leave a Comment