KASUNOD ng nangyaring trahedya na nagdulot ng pagkasawi ng dalawang Ateneo athletes, naghigpit ang mga awtoridad sa Aurora Province para tiyakin ang kaligtasan ng mga turistang nagtutungo sa mga beach resort sa lalawigan.
Mahigpit nang ipinatutupad ang swimming curfew mula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng madaling araw sa mga dalampasigan sa lalawigan.
Sa ilalim ng patakaran, ipinagbabawal ang anomang paglangoy o paliligo at iba pang water activities sa itinakdang oras.
Maaari namang mamasyal sa tabing-dagat basta’t hindi lalapit sa tubig.
Pinaiigting din ng Aurora Tourist Police Unit ang foot patrol sa mga pangunahing beach area gaya ng Sabang Beach sa Baler upang mabantayan ang mga turista at masiguro ang pagsunod sa swimming curfew.
Bukod dito, nagsasagawa rin ng inspeksyon at pakikipag-ugnayan ang mga pulis sa mga resort sa Dinadiawan, Dipaculao upang tiyaking may sapat na kagamitang pangkaligtasan gaya ng lifebuoys, life jackets, lifeguards at maayos na guest monitoring system.
Namahagi rin ang mga awtoridad ng impormasyon hinggil sa beach safety at panganib ng rip currents sa mga turista sa iba’t ibang baybayin ng Aurora.
Ayon sa Tourist Police Unit, marami na rin silang naisalbang nalulunod na turista sa mga nakalipas na buwan dahil sa maagap na pagpapatrulya at rescue operations.
Samantala, ibinahagi naman ng isang bakasyunista ang kanilang karanasan kung saan apat na bata sa kanilang grupo ang muntik nang matangay ng malalakas na alon sa Sabang Beach noong Mayo ngunit agad na narespondehan at nasagip ng mga awtoridad.
Umaasa ngayon ang mga opisyal na sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan at pinaigting na pagbabantay, maiiwasan ang panibagong trahedya sa mga paboritong pasyalan sa Aurora.
(NILOU DEL CARMEN)
54 