GAGAYA KAY VP SARA IPAKUKULONG NG KAMARA

KUMPIYANSA ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na hindi magiging precedent ang pagtanggi ni Vice President Sara Duterte manumpa at hindi pagsasailalim sa imbestigasyon.

Sa katunayan, nagbabala si Manila Rep. Joel Chua, chair ng House committee on good government and public accountability na sinoman ang gagaya kay Duterte ay maaaring ma-cite in contempt at makulong.

“Hindi po ibig sabihin na ito pong insidente dahil hinayaan po natin ay magiging precedent na sa mga susunod na mga committee hearings. Hindi po mangyayari yan,” paniniyak ni Chua na isa sa mga kritiko ni Duterte.

Magugunita na tumanggi si Duterte na manumpa na magsasabi ng totoo at pawang katotohanan nang simulan ng nasabing komite ang imbestigasyon kung saan nito ginamit ang kanyang intelligence fund, hindi lamang noong 2022 kundi maging 2023.

Ang imbestigasyon ay kasunod ng report ng Commission on Audit (COA) na P73 million sa P125 million na intelligence funds ni Duterte ang kuwestiyonable ang paggastos habang P375 million naman ang inisyuhan ng audit observation memorandum.

Dahil hindi nanumpa si Duterte, hindi na ito tinanong ng mga kongresista sa nasabing pondo na ayon kay Chua ay hindi pwedeng gawin ng elected at appointed officials para maiwasan ang imbestigasyon.

“In fact, ito po ay isang ground para ang mga witnesses ay ma-cite for contempt. Pero dahil sa paggalang sa opisina ng ating bise presidente, ito ay i-ooverlook po natin at palalagpasin po natin,” ayon sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

37

Related posts

Leave a Comment