DPA ni BERNARD TAGUINOD
NAKALULUNGKOT isipin na “tila tanggap” na lang ng mga Filipino ang malalang katiwalian sa gobyerno tulad ng pagnanakaw ng mga tiwaling politiko sa kaban ng bayan gayung ang mga tao ang pangunahing biktima.
Napapansin ko kasi, kapag isyu ng katiwalian ang pinag-uusapan ay walang ginagawang aksyon ang mga tao at pagdating ng eleksyon ay ibinoboto pa rin nila ang mga politikong isinasangkot sa mga katiwalian.
Deka-dekada na tayong pinagnanakawan ng mga tiwaling pulitiko pero nananahimik pa rin ang mayorya sa atin. Walang kumikibo kaya lalong lumalakas ang loob ng mga magnanakaw na hawakan ang bayan.
Ang dami nang inimbestigahan na katiwalian sa gobyerno pero imbes na magkaisa ang sambayanan para panagutin ang mga politikong sangkot, ay marami pa ang kumakampi at nagpapakamatay para sa kanila.
Ang napapansin lang din ay ‘yung mga politikong nasa national level pero hindi pinapansin ang mga nasa local level na malala rin ang katiwalian pero nagbubulag-bulagan ang mga tao na hindi ko maintindihan kung bakit?
Ang mga local executive, mula governor at mga mayor ay nagpapagawa ng mga kalsada pero alam mong ninakawan nila kaya hindi nagtatagal kahit walang malalaking sasakyan ang dumadaan, pero hindi pinapansin ng mga tao.
Hindi naman lahat ng local executives ay ninanakawan ang proyekto pero marami ang gumagawa n’yan at ang matindi pa sa lahat ha, mga contractor ang karamihan sa local exectives….’yun lang gumagamit sila ng dummy pero ‘pag tinanong mo ang mga tao kung kanino ang construction company na gumawa ng kalsada ay ituturo si Mayor o si Congressman o si Governor.
Ibig lang sabihin, alam ng mga tao kung sino ang mga nagnanakaw sa kanila pero hindi pa rin sila kumikibo! Bakit? Dahil sa takot o kaya kapag nagreklamo sila ay walang nangyayari sa reklamo nila dahil tapos na ang termino ng irereklamong politiko ay hindi pa sila naparurusahan, kasi ang bagal ding kumilos ang hudikatura natin kaya malaki rin ang kasalanan nila sa katiwalian sa ating bansa.
Kaya may isang congressman ang nagpanukala na isama sa curriculum sa basic education ang “anti-corruption and government education” pero parang matabang ang Kongreso sa panukalang ito?
Mahigit isang taon na ang nakalipas mula nang ihain ito sa Kamara ngunit hindi pa rin inaaksyunan ng House Committee on Basic Education na kung bakit ay sila-sila lang sa Kongreso ang nakakaalam.
Mahalaga sana ang panukalang ito para ituro agad sa mga kabataan ang paglaban sa katiwalian sa gobyerno kaya lang parang ayaw ng Kongreso na turuan ang mga bata kung papaano labanan ang mga tiwali paglaki nila.
