MUNTIK nang masagasaan ang isang 59-anyos na ginang nang mawalan ng panimbang makaraang hablutin ang kanyang cellphone ng isang 27-anyos na lalaki noong Martes ng hapon sa Paco, Manila.
Agad namang nadakip sa follow-up operation ng mga tauhan ng San Andres Bukid Police Community Precinct, sakop ng Manila Police District Sta. Ana Police Station 6, ang suspek na si Kevin John Manansala, jobless, residente ng San Andres Bukid.
Base sa ulat nina Police Staff Sergeant Carlo Flores, Police Corporal Renz Mark Ubay at Patrolman Evander Clores, pawang nakatalaga sa San Andres PCP, na pinangasiwaan ni Police Lieutenant Colonel Dionelle Brannon, station commander, bandang alas-4:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa naturang lugar.
Ayon sa pahayag ng biktimang si Emilia, habang naglalakad siya nang hablutin ng suspek ang kanyang cellphone.
Bunsod nito, nawalan siya ng panimbang naging dahilan upang muntik siyang masagasaan ng isang sasakyan.
Agad na humingi ng tulong ang ginang sa pulisya na mabilis namang umaksyon na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. (RENE CRISOSTOMO)
84