(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
KAILANGAN magkaroon ng dominante at epektibong oposisyon sa dalawang kapulungan ng Kongreso upang masiguro na hindi ito makontrol ng administrasyon.
Sa pagharap ni dating executive secretary Atty. Vic Rodriguez sa mga mamamahayag sa forum sa Quezon City noong Biyernes, umapela ito sa sambayanang Pilipino na maglagay ng dominant o effective opposition sa Kamara at Senado at huwag hayaan na makontrol ito ng ehekutibo para manatili ang check and balance sa gobyerno.
Banggit pa niya, mistulang referendum ang magaganap na eleksyon sa susunod na taon dahil dito makikita ang kung sino ang pabor o salungat sa pagbabago ng konstitusyon na siyang tunay na agenda ng administrasyong Marcos.
Nilinaw pa ng kauna-unahang executive secretary ni Pangulong Bongbong Marcos na target ng kasalukuyang administrasyon na makakuha ng sapat na bilang ng mga mambabatas upang mawalan ng balakid sa pagsusulong ng Charter change na matagal nang nakaplano.
“Were are in danger of seeing a transitioning of the form of government from presidential to parliamentary. And that is for the immediate term, the immediate impact and for the long impact it is not for the good of every Filipino,” ayon pa kay Rodriguez.
Paliwanag niya, hindi itataas ang antas ng ekonomiya ng Pilipinas sa pag-amyenda ng Saligang Batas, sa halip ay para ito mapanatili ang political status na isinusulong ng ilang may interes at political families.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng traditional media, maging ang mga nasa social media.
Ayon pa kay Rodriguez, nakataya ang demokrasya kung papabor sa administrasyon ang magaganap na halalan.
Kapag nakakuha aniya ng sapat na boto ang administrasyon ay ipipilit nitong amyendahan ang Saligang Batas sa anomang paraan, gaya ng People’s Initiative.
Nagkataon lamang na nang una aniyang itong tangkain ay sinalungat kaagad ng taumbayan at ilang oposisyon na na-validate din sa ginawang survey kung saan 88 porsyento ng mamamayan ang nagsasabing tutol sila.
223
