DAGDAG PONDO SA FREE COLLEGE EDUCATION ISUSULONG

HIHILINGIN ni Senador Win Gatchalian na madagdagan ng pondo ang free college education sa susunod na taon upang mapunan ang P3 bilyong budget deficit sa implementasyon nito.

Sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program, nasa P23.38 bilyon ang inilaang pondo para sa libreng kolehiyo.

Kapos ito sa kinakailangang P27.078 bilyon ng Philippine Association of State Universities and Colleges upang maipatupad ang libreng kolehiyo para sa School Year 2025-2026.

Binigyang-diin ni Gatchalian na kung hindi matutugunan ang deficit, hindi makakakuha ng karagdagang guro ang mga State Universities and Colleges (SUCs), makakabili ng kagamitan sa pag-aaral, at makakapagtayo ng mga pasilidad na kailangan upang makapaghatid ng dekalidad na tertiary education.

Posible anyang kumuha ng P3 bilyong pondo sa P591.8 bilyong inilaan sa pang-ayuda tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at Sustainable Livelihood Program (SLP).

Sinabi ni Gatchalian na tumaas ang enrollment sa kolehiyo dahil sa libreng edukasyon.

Mula sa 2.9 milyon noong SY 2017-2018, bago ipatupad ang Free Higher Education Law, umabot na sa 5.09 milyon ang enrollment sa kolehiyo sa SY 2023-2024. (DANG SAMSON-GARCIA)

141

Related posts

Leave a Comment