(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
PINAALALAHANAN ni dating executive secretary Atty. Vic Rodriguez ang taumbayan na mahalaga ang pagboto ng mga tunay na oposisyon sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa 2025 National at Local Elections (NLE).
Ito ay upang mahadlangan ang posibleng muling pagsusulong ng Charter change sa Kamara at Senado sa susunod na taon.
Sa pagharap ni Rodriguez sa mga mamamahayag sa forum sa Quezon City noong Biyernes, umapela ito sa sambayanang Pilipino na maglagay ng dominant o effective opposition sa Kamara at Senado at huwag hayaan na makontrol ito ng ehekutibo para manatili ang check and balance sa gobyerno.
Banggit pa niya, mistulang referendum ang magaganap na eleksyon sa susunod na taon dahil dito makikita ang kung sino ang pabor o salungat sa pagbabago ng konstitusyon na siyang tunay na agenda ng administrasyong Marcos.
Nilinaw pa ng kauna-unahang executive secretary ni Pangulong Bongbong Marcos na target ng kasalukuyang administrasyon na makakuha ng sapat na bilang ng mga mambabatas upang mawalan ng balakid sa pagsusulong ng Charter change o Cha-cha na matagal nang nakaplano.
“Were are in danger of seeing a transitioning of the form of government from presidential to parliamentary. And that is for the immediate term, the immediate impact and for the long impact it is not for the good of every Filipino,” ayon pa kay Rodriguez.
Paliwanag niya, hindi itataas ang antas ng ekonomiya ng Pilipinas sa pag-amyenda ng Saligang Batas, sa halip ay para ito mapanatili ang political status na isinusulong ng ilang may interes at political families.
Kahapon ay pormal nang naghain ng kanyang kandidatura sa Comelec si Rodriguez na tatakbong senador. Kanyang ipaglalaban ang pagkakaroon ng transparency and accountability sa gobyerno gayundin ang paglaban sa korupsyon.
