VENDORS PARTY-LIST GINAWANG MASCOT SI DIWATA

RAPIDO NI TULFO

ITO palang Vendors party-list na nirerepresenta ng vlogger, at ngayon ay isa na ring negosyante, na si Diwata, na nag-file ng COC nito lang nakaraang mga araw, ay binubuo ng mayayamang mga negosyante na magiging first, second at third nominee ng partido sa Kongreso kung sakaling makakuha ito ng malaking boto sa darating na 2025 Midterm elections.

Si Diwata aka Deo Balbuena sa totoong buhay, na naging mukha ng party-list nang magsumite sila ng application, ay fourth nominee lang.

Ibig sabihin po ay hindi ito mauupo bilang representative kung mananalo ng tatlong pwesto ang party-list.

Maaari lang maging party-list representative si Diwata kung magpapaubaya ang isa sa tatlong nominees o ‘di kaya ay mayroong magkasakit o mamatay sa isa sa kanila.

Sumikat sa social media si Diwata matapos na bugbugin at saksakin ng ilang kasama nito sa ilalim ng tulay diyan sa Pasay kung saan nagawa pa nitong magpatawa matapos ang insidente bago magkaroon ng pandemya. Ngayon ay isa na rin itong negosyante matapos na magtayo ng kainan malapit sa Senado.

Lumalabas, ginawa lang “mascot” ng mga nasa likod ng vendors party-list itong si Diwata.

Pero sinu-sino nga ba ang unang tatlong nominee ng Vendors party-list? Ang first nominee ay si Malou Lipana na isang mayamang negosyante at kontratista ng mga proyekto sa DPWH. Ang ikalawang nominee naman ay isang nagngangalang Laurence Pesigan na may-ari daw ng isang Advertising Agency. At ang ikatlo ay isang Sheryll Sandil na isa ring negosyante na nasa mundo rin ng construction.

Pardon my ignorance, pero mukhang hindi naman ordinaryong vendors ang kinakatawan ng mga ito. Dapat siguro Contractors party-list na lang ang kanilang pangalan at hindi vendors kasi dalawa nga sa kanila ay mga contractor.

‘Yan naman daw si Pesigan ay nahaharap sa iba’t ibang mga reklamo tulad ng illegal possession of firearms. Paanong hindi nakita ng founder at first nominee ng grupo na ito na si Malou Lipana, ang mga kaso ni Pesigan gayung matagal na raw nila itong kakilala?

Ikaw na isang vendor ay iboboto mo ba ang party-list na ito na lumalabas sa kanilang mga background ay hindi naman talaga mga vendor?

Iba kasi ang pagkakaintindi ko sa salitang “vendor” at hindi itong mga nominado ng partidong ito.

51

Related posts

Leave a Comment