PERSONAL na dinalaw ni House Speaker Faustino Dy III ang mga mangingisda sa bayan ng Ramon, Isabela kasunod ng fish kill incident na nakaapekto sa ilang komunidad sa lalawigan.
Kasama ni Dy sa pagbisita si Isabela Vice Governor Kiko Dy kung saan tiniyak nila ang suporta ng pamahalaan sa mga pamilyang naapektuhan ng insidente.
“Ngayon kami po ay makikinig sa mga report para lalo pong kami rin ay makapagbigay ng update sa national para sa ganoon kung ano pa po ang dapat naming gawin para mabigyan natin ng tamang solusyon at tamang pagtulong sa ating mga naapektuhang kababayan dito sa ating lalawigan ng Isabela,” ani Dy.
Ayon sa House Speaker, makatutulong ang impormasyong makakalap sa lugar upang magabayan ang pagtugon ng pambansang pamahalaan at matiyak na agad na makarating ang tulong sa mga apektadong komunidad.
Kinilala rin ni Dy ang malaking epekto ng fish kill sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda, kasabay ng problemang dulot ng matinding tagtuyot na nakaapekto rin sa sektor ng agrikultura sa lalawigan.
Umabot na sa tinatayang P120 milyon ang kabuuang pinsala dulot ng fish kill sa Magat Dam, kabilang ang mahigit P20 milyon na pinsala sa bayan ng Ramon pa lamang.
Unang naobserbahan ang pagkamatay ng mga isda sa reservoir noong Hunyo 23.
Ayon sa mga awtoridad sa fisheries sector, ang matagal na tagtuyot at matinding init ng panahon ang naging sanhi ng pagbaba ng water level sa Magat Dam na nagresulta sa kakulangan ng dissolved oxygen sa tubig na hindi na sapat upang masuportahan ang malaking bilang ng mga isda sa mga fish cage.
Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang lawak at eksaktong sanhi ng insidente habang ipinatutupad ang mga hakbang upang matulungan ang mga apektadong komunidad.
(TINA MENDOZA)
105 