SUMUKO sa mga awtoridad ang isa sa mga suspek na kabilang sa riding in tandem na responsable sa pamamaril at pagpatay sa isang 39-anyos na trike driver sa Tondo, Manila noong Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si Edwin Gonzales, may asawa, residente ng Barangay 215, Zone 20, Tondo, Manila.
Batay sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Homicide Section ng Manila Police District, bandang alas-2:40 ng madaling araw nang mapatay ang biktima sa naturang lugar, ilang metro lamang ang layo mula sa Tayuman Police Community Precinct, sakop ng Jose Abad Santos Police Station 7.
Ayon sa report ng pulisya, hinabol ng riding in tandem ang biktima at nang abutan ay binaril ito sa ulo.
Pagkaraan ay tumakas ang mga suspek ngunit sumuko ang isa sa mga ito sa tanggapan ni MPD Director, Brigadier General Thomas Ibay. (RENE CRISOSTOMO)
