KINUYOG si Vice President Sara Duterte sa kanyang matalas na pananalita noong isang linggo kaugnay sa namuong hidwaan nila ng kampo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ani House deputy majority leader Rep. Jude Acidre, immature at hindi astang educated adult ang ipinakita ni Duterte sa sambayanang Pilipino sa kanyang press conference noong Biyernes.
“It’s very disturbing to see the second highest official of the country resorting to petty threats, childish threats. Can she not make sense of the P125 million confidential funds that she must have enjoyed for spending it in just 11 days?” ani Acidre.
Sinabi ng mambabatas na seryoso ang isyung nabunyag sa imbestigasyon ng House committee on good government and public accountability hinggil sa paglustay sa confidential at intelligence funds ni Duterte dahil pera ito ng taumbayan.
Hinamon naman ni Zambales Rep. Jay Khonghun si Duterte na sagutin na lamang nito ang natuklasan ng komite na ginamit nito ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para pagtakpan ang maling paggastos ng P15 million sa P150 million CIF ng DepEd noong kanyang panahon.
“Pakisagot, Madam VP Sara: Niloko mo ba ang militar o hindi? Mahalaga ring malaman ng publiko kung saan napunta ang P15 milyon na sinasabing ginamit ng DepEd para sa YLS sa ilalim ng iyong pamumuno, na mariing itinanggi ng militar,” ani Khonghun.
Sinabi naman ni La Union Rep. Paolo Ortega na ipinakita lamang ni Duterte kung anong klaseng lider ito na gustong maging pangulo ng Pilipinas sa 2028.
“For VP Sara: given how you’re handling these allegations, now tell the people what kind of leader you are,” mensahe ni Ortega kay Duterte.
Isailalim Sa Psychological Eval
Dahil walang matinong tao na gustong mamugot ng ulo at hukayin ang labi ng isang patay para itapon sa West Philippine Sea, inirekomenda ng dalawang kongresista na sumailalim si VP Sara sa psychological evaluation.
Ang rekomendasyon nina Khonghun at Ortega ay kasunod ng nakaaalarma umanong pinagsasabi ni Duterte sa kanyang press conference noong Biyernes.
“Walang matinong tao ang makakaisip, lalo’t gagawa, ng ganitong klaseng pahayag. Nakababahala ang antas ng kawalan ng katinuan sa kanyang mga salita,” paliwanag ni Khonghun.
Magugunitang inamin ni Duterte na inisip nitong ‘putulan ng ulo’ si Pangulong Marcos Jr. matapos ipahiya ang isang kadete na umarbor sa kanyang relo sa graduating ceremony na dinaluhan ng dalawa.
Inamin din nitong sinabihan niya si Sen. Imee Marcos na huhukayin ang ama nito at itatapon sa West Philippine Sea.
“For someone in such a high position to make violent and grotesque threats, even in jest, shows a troubling level of instability. Kailangang magkaroon ng masusing psychological assessment upang matiyak kung siya ay karapat-dapat pang maglingkod sa bayan sa ganitong kritikal na posisyon,” ayon pa kay Khonghun.
Inayunan naman ito ni Ortega lalo na’t si Duterte ang ikalawang pinakamataas na lider ng bansa at otomatikong mamumuno kapag may nangyaring masama sa Pangulo, base sa Saligang Batas.
“Ang ganitong uri ng marahas at nakakatakot na mga pahayag ay hindi katanggap-tanggap mula sa kahit sino, lalo na sa isang nakaupong Bise Presidente. Malinaw na may malalaking katanungan tungkol sa kanyang estado ng pag-iisip at emosyonal na kalagayan,” paliwanag ni Ortega.
Unbecoming Of An Official
Maituturing na unbecoming of the second highest official of the land ang mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr at kanyang pamilya.
Ito naman ang binigyang-diin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Sinabi ni Escudero na hindi maganda para sa posisyon ng Bise Presidente ang kanyang mga komento laban sa First Family at sa ilang government personalities.
“Unbecoming ang mga ganyang uri ng pahayag lalo na sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa,” pahayag ni Escudero.
Gayunman, naniniwala ang Senate leader na walang epekto sa ekonomiya at sa bansa sa kabuuan ang mga banat ni Duterte.
“Kung may epekto man ito ay sa estabilidad ng opisina ng Vice President pero hindi sa pamahalaan mismo,” diin ni Escudero.
Sa kabilang dako, buo pa rin ang pag-asa ni Escudero na magkakaayos ang dalawang pinakamataas na lider ng bansa.
“Sa tagal ko sa pulitika mas marami pa akong higit na mahiwaga pang napanood. May posibilidad ‘yun at ito ay mas makakabuti sa ating bansa sa aking paniniwala. Mabuti rin naman at hindi mapagpatol si number 1 sa mga patutsada ni number 2,” dagdag ni Escudero.
Naniniwala ang senador na inilabas lamang ng Pangalawang Pangulo ang kanyang frustrations hinggil sa mga alegasyon laban sa kanya subalit dapat sana ay mas naging maingat siya sa mga binitiwang salita sa publiko.
“Tulad ng marami, nagulat at hindi ko inasahan ‘yun. Paalala lang sa ilang opisyal natin, isama na ‘yung sinabi ni (Davao City) Mayor Baste na dudurugin niya raw na parang Marawi ang Ilocos Norte kapag siya ay naging Defense secretary, hindi ito salita na dapat ginagamit ng mga opisyal at hindi ito bagay na pwede idaan sa biro o isang katatawanan na kwento lamang. Para sa akin ito ay mga seryosong bagay na nakakaapekto sa buhay ng tao na hindi dinadaan sa biro, much less sinasabi sa publiko,” paliwanag ng Senate leader. (DANG SAMSON-GARCIA)
