HANGGANG P50-M MULTA SA SOCMED PLATFORMS NA MABIBIGONG PROTEKTAHAN ANG MGA BATA, ISINUSULONG SA KAMARA

ISINUSULONG sa Kamara de Representantes ang panukalang magpapataw ng multang aabot sa P50 milyon sa mga social media platform na hindi makasusunod sa mga itinakdang pamantayan para sa kaligtasan ng mga bata sa online world.

Inihain nina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang House Bill No. 9965 o ang Children’s Social Media Safety Act.

Sa ilalim ng panukala, obligado ang mga social media platform na magpatupad ng maaasahang sistema ng beripikasyon ng edad, parental controls, at iba pang hakbang upang maprotektahan ang mga menor de edad laban sa mapaminsalang nilalaman sa internet.

Maaari ring pansamantalang higpitan ang akses sa isang social media platform sa Pilipinas o tuluyang pagbawalan itong mag-operate sa bansa kung mapatutunayang paulit-ulit at mabigat ang paglabag nito sa batas, alinsunod sa due process.

Layunin ng panukala na magtatag ng komprehensibong sistema ng regulasyon sa paggamit ng social media ng mga bata, habang isinusulong ang ligtas at responsableng paggamit ng mga digital platform.

Ayon sa explanatory note ng panukalang batas, tungkulin ng Estado na pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga bata, kabilang ang kanilang kaligtasan sa digital na kapaligiran.

Binanggit din dito ang mga pag-aaral na nag-uugnay sa labis na paggamit ng social media sa pagtaas ng kaso ng anxiety, depresyon, mababang self-esteem, kakulangan sa tulog, cyberbullying, at pagkalantad sa mapaminsalang content. Nagbabala rin ito sa lumalawak na pagkalat ng mapanlinlang at artipisyal na nilikhang nilalaman na maaaring makaapekto sa pag-unlad ng mga kabataan.

Sa ilalim ng panukala, ganap na ipagbabawal sa mga batang wala pang 13 taong gulang ang paggawa at paggamit ng social media account. Inaatasan ang mga platform na agad na i-disable ang mga account na lumalabag at magpatupad ng mga mekanismo upang hindi na makagawa ng panibagong account ang mga menor de edad.

Samantala, papayagan lamang ang mga kabataang may edad 13 hanggang wala pang 18 na gumamit ng social media kung may mapapatunayang pahintulot ng kanilang magulang o legal na tagapag-alaga at may patuloy na pangangasiwa.

Inaatasan din ang mga social media company na bigyan ang mga magulang ng mga kasangkapang magagamit upang mabantayan ang online na aktibidad ng kanilang mga anak, kabilang ang pagtatakda ng screen time, pag-access sa privacy settings, at pagbawi ng pahintulot kung kinakailangan.

Nakasaad din sa panukala na dapat gamitin ng mga platform ang pinakamataas na antas ng privacy at seguridad bilang default para sa mga batang gumagamit, limitahan ang pagbabahagi ng lokasyon at mga transaksyong pinansyal ng mga menor de edad, at ipagbawal ang hindi kinakailangang pangongolekta ng sensitibong personal na impormasyon ng mga bata.

Nilalayon din ng panukala na regulahin ang paggamit ng mga algorithm upang hindi ito magrekomenda ng mapaminsalang nilalaman sa mga menor de edad at upang alisin ang mga artipisyal o binagong nilalaman na maaaring makapanlinlang sa publiko.

Inaatasan din ang mga platform na maging mas malinaw sa paggamit ng kanilang mga algorithm at magsumite ng regular na transparency reports sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Bukod dito, inaatasan ang DICT at Department of Education (DepEd) na isama sa K to 12 curriculum ang digital literacy at responsableng paggamit ng social media, gayundin ang pagsasagawa ng mga programa para sa mga guro, magulang, at mga mag-aaral.

Sa ilalim ng panukala, maaaring patawan ng P5 milyon hanggang P10 milyong multa ang mga platform na mabibigong aksyunan ang mga ipinagbabawal na account, habang P20 milyon hanggang P50 milyon naman ang multa para sa iba pang seryosong paglabag sa batas.

Inaatasan din ang mga local government unit (LGU), sa pamamagitan ng kanilang Local Councils for the Protection of Children, na magpatupad ng mga programang pangkomunidad, pampalakasan, pansining, at iba pang gawaing hihikayat sa mga bata na gumugol ng mas maraming oras sa mga aktibidad na hindi nakatuon sa paggamit ng mga digital device.

Ayon sa mga may-akda ng panukala, layunin nitong makalikha ng mas ligtas na digital na kapaligiran para sa mga bata habang pinangangalagaan ang kanilang karapatan sa impormasyon, privacy, at malayang pagpapahayag.

99

Related posts

Leave a Comment