IPATATAWAG ni Senator Erwin Tulfo ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) sa pagdinig ng Senado kaugnay ng umano’y lumalalang fuel smuggling sa bansa.
Ayon kay Senator Tulfo, chairman ng Senate Committee on Energy, nais niyang busisiin ang mga ulat ng smuggling ng oil products sa mga pantalan sa Cagayan de Oro, Cebu, at Batangas.
Batay sa mga ulat, madalas umanong minamali ang deklarasyon sa dami ng inaangkat na langis upang makaiwas sa tamang pagbabayad ng buwis. Sinabi pa ng senador na may ilang personnel ng BOC na umano’y kasabwat sa naturang iligal na operasyon.
Ani Tulfo, ang mga buwis at duties na dapat binabayaran nang tama ng mga importer ay sa huli ay ipinapasa rin sa mga consumer sa pamamagitan ng value-added tax (VAT) at excise tax.
Bukod sa BOC, iimbitahan din ng komite ang Department of Finance (DOF) upang magpaliwanag sa isyu. Wala pang itinakdang petsa para sa susunod na pagdinig.
Layunin ng inquiry na masuri ang mga kalakaran sa mga pantalan na umano’y nagdudulot ng malaking pagkawala ng kita ng pamahalaan, unfair competition sa lokal na industriya ng langis, at panganib sa mga consumer.
Sa pagdinig noong Huwebes, Hulyo 2, sinabi rin ni Tulfo na nais niyang repasuhin ang mga panukalang amyendahan ang Oil Deregulation Law na aniya’y lipas na at nangangailangan na ng rebisyon.
Ipinaliwanag ng senador na naisabatas pa noong 1998 ang naturang batas kung saan inalis ang kontrol ng pamahalaan sa presyo at importasyon ng langis, dahilan upang malayang makapagtakda ng presyo ang mga kumpanya.
Sa panukalang pag-amyenda, bibigyan ang pamahalaan ng emergency pricing powers upang maatasan ang mga oil company na ilahad ang kanilang price breakdown at matugunan ang mga isyu tulad ng hoarding.
72 