AABOT sa 13 truck o tinatayang 40 toneladang basura ang nakolekta ng Department of Environmental Public Services (DEPS) matapos ang 24-oras na kilos-protesta ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio sa Ermita, Maynila.
Ayon kay DEPS Director Kenneth Amurao, naging maayos ang cleanup operation dahil naipon na ng mga miyembro ng INC ang kanilang mga basura, na karamihan ay pinagkainan at mga lalagyan ng inumin.
Kaagad ding nagsagawa ng flushing operation sa buong Liwasang Bonifacio upang maalis ang anomang masamang amoy, kabilang ang mula sa mga inilagay na portalets.
Batay sa datos ng pamahalaang lungsod, tinatayang nasa 13,000 miyembro ng INC ang dumalo sa kilos-protesta, na nagtapos bandang alas-8:30 ng gabi nitong Huwebes.
(JOCELYN DOMENDEN)
58 