TS ‘MARCE’ PALABAS NA NG PAR; ‘NIKA’ BINABANTAYAN NG PAGASA

DALAWANG beses na nag-landfall sa area ng Cagayan si Typhoon Marce (international name Yinxing) bago tinahak ang landas palabas sa area of responsibility ng Pilipinas subalit napanatili nito ang kanyang typhoon category kaya nakataas pa rin ang mga storm warning signal sa maraming lugar sa Hilagang Luzon hanggang kahapon, ayon sa state weather bureau.

Subalit isa pang low pressure ang binabantayan ng PAGASA na posibleng maging isang ganap na bagyo oras na pumasok ito sa Philippine Area of Responsibility at tatawaging TS Nika.

Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), umabot na sa 20,674 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Marce mula sa tatlong rehiyon sa bansa.

Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC kahapon ng umaga, katumbas ito ng 7,233 pamilya mula sa Region 1 o Ilocos Region, Region 2 o Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.

Mula sa nabanggit na bilang, 3,958 pamilya o katumbas ng 11,476 indibidwal ang kasalukuyang nasa iba’t ibang evacuation centers sa nabanggit na mga rehiyon.

Limang lugar sa Northern Luzon ang isinailalim sa signal no. 4 dahil pa rin sa hagupit ng bagyong “Marce” na dalawang beses nang tumama sa kalupaan, sa Sanchez-Mira, Cagayan ang pinakahuli, una sa area ng Sta. Ana, Cagayan.

Wala namang iniulat na nasawi o nasaktan ang Office of Civil Defense bunsod ng naganap na pananalasa ni TS Marce.

Samantala, ilang kalsada na ang hindi madaanan ngayon ng light vehicles partikular sa Poblacion, Pagudpud at Pancian sa Adams, Ilocos Norte at Nakanmuan, Sabtang sa Batanes.

Mayroon din ilang kalsada sa Isabela at Apayao ang hindi naman passable sa lahat ng uri ng mga sasakyan. (JESSE KABEL RUIZ)

120

Related posts

Leave a Comment