AABOT sa halos P99 milyon halaga ng mga puslit na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon sa Sulu, Maguindanao del Norte at Cotabato.
Sa ulat ng Western Mindanao Naval Command (WMNC), nasa P93.9 milyon halaga ng undocumented foreign-brand cigarettes ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Navy at Philippine National Police sa dalawang interdiction operation sa karagatan ng Sulu noong Hunyo 18.
Unang naharang ng Naval Task Force 61 ang M/B Aslinda malapit sa Cabucan Island sa bayan ng Hadji Panglima Tahil.
Sa inspeksyon, nadiskubre ang 305 master cases ng imported cigarettes. Nabigo ang mga tripulante na magpakita ng kaukulang dokumento para sa kanilang kargamento at sasakyang-pandagat kaya agad itong sinamsam ng mga awtoridad.
Tinatayang nasa P47.58 milyon ang halaga ng nakumpiskang sigarilyo at bangka.
Sa ikalawang operasyon, naharang naman ang M/V Babyboy malapit sa Marungas Island sa Jolo.
Sa isinagawang Visit, Board, Search and Seizure (VBSS) operation, natuklasan ang 300 master cases ng undocumented cigarettes na itinago sa ilalim ng iba pang kargamento.
Umaabot naman sa P46.31 milyon ang halaga ng mga kontrabando at ng nasamsam na sasakyang-pandagat.
Dinala ang dalawang barko, mga kargamento at mga nahuling tauhan sa Bureau of Customs-Port of Zamboanga para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng mga kaso.
Samantala, nasa P2.6 milyon halaga rin ng mga puslit na sigarilyo ang nasabat sa magkahiwalay na operasyon sa Cotabato at Maguindanao del Norte.
Ayon kay Cotabato Provincial Police Office Director Lt. Col. Ramel Hojilla, naharang sa checkpoint sa Barangay Kawayanon, Makilala, Cotabato ang isang Nissan minivan na kargado ng kontrabandong sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit P887,000.
Ang may-ari ng sasakyan ay isang 25-anyos na negosyante mula sa Digos City.
Sa parehong araw, nakatanggap din ng ulat ang mga pulis mula sa mga opisyal ng Barangay Kawayanon hinggil sa mga abandonadong kahon ng sigarilyo na natagpuan sa madamong bahagi ng lugar.
Narekober dito ang 19 cases o 950 reams ng Fort White Menthol cigarettes na nagkakahalaga ng P812,791.
Samantala, naharang din sa checkpoint sa Barangay Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang isang Suzuki Elf truck na may kargang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng mahigit P866,000.
Patungo sana sa Isulan at Tacurong City sa Sultan Kudarat ang mga nasabing kontrabando.
Kinilala ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region Director Brig. Gen. Christopher Abecia ang drayber ng truck na si Hamid Manday, 43, residente ng Barangay Bayanga Sur, Matanog, Maguindanao del Norte.
“This apprehension sends a clear message that illegal trade has no place in the Bangsamoro Region,” ani Abecia.
Dagdag pa niya, patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa smuggling at iba pang uri ng iligal na kalakalan upang mapanatili ang kaayusan at suportahan ang lehitimong negosyo sa rehiyon.
Inihahanda na ang mga reklamong isasampa laban sa mga sangkot habang itinurn-over na sa mga kinauukulang awtoridad ang mga nakumpiskang sigarilyo.
(JESSE RUIZ)
72 