NAKALIGTAS ang driver ng isang ambulansiya na patungong Ipil sa Zamboanga nang mahulog ang minamanehong medical emergency vehicle sa dagat sakop ng Mabuhay, Zamboanga Sibugay, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office.
Ayon sa ulat, nakalabas ng ambulansya ang driver nito bago pa ito tuluyang mahulog.
Nabatid sa ibinahaging ulat ng MDRRMO, nahulog sa dagat ang isang ambulansya bago ito maisakay sa isang barge sa Hula-Hula Port sa Mabuhay, Zamboanga Sibugay.
Hinatak ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang sasakyan sa tubig gamit ang lubid.
Ayon sa MDRRMO, mapalad na wala pa itong sakay nang mangyari ang insidente, dahil patungo pa lamang ito ng Ipil para humakot ng oxygen.
Nabatid na pagmamay-ari ng Olutanga Municipal Hospital ang ambulansya na isasakay sana sa barge ngunit atrasado umanong makapag-break nang tama ang driver habang pumaparada dahilan para mahulog ito sa dagat.
(JESSE RUIZ)
215 