PROBLEMA SA HEALTH CARE SA ‘PINAS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HINDI na madalang ang patak ng ulan. Malaking ginhawa, ngunit kapag tumigil na ang buhos nito ay mas maalinsangang panahon ang papalit.

Pero mas masarap ang basa sa ulan kumpara sa basa ng pawis.

Kaya naman marami na ang nag-aabang sa Wattah! Wattah! Ang bantog na taunang pagdiriwang na katulad ng iba pang kapistahan, ay pumupukaw sa diwa ng mga Pilipino, na nakikipaglaban sa hamon ng buhay. Pansamantala, mabasa muna ang mga problema at lumutang ang saya.

Ang San Juan City local government ay muling nagtalaga ng basaan zone para sa Wattah! Wattah! Festival sa Hunyo 24.

Ayon kay Mayor Francis Zamora, papayagan ang basaan sa kahabaan ng Pinaglabanan Street sa pagitan ng N. Domingo and P. Guevarra streets mula alas-7 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.

Magsaya, makibahagi sa basaan, ngunit huwag kalimutan na bawal ang paggamit ng maruming tubig at water bomb, sapilitang pagbubukas ng mga sasakyan. Bawal din ang paggamit ng high-pressure water sprayer. Sana sa selebrasyon ngayong taon ay walang mag-viral na pasaway.

Hindi pwede ang paggamit ng hindi awtorisadong firetruck.

Kahit sa kasiyahan, pagdiriwang at anomang okasyon ay dapat huwag gawin ang bawal.

Magsaya muna, kahit pansamantala. Minsan lang ang mga pestibal, hindi tulad ng mga pestebalbalan ng mga politiko na inaaraw-araw na.

Sumandal na lang sa mga pista para sumaya, ngunit huwag iasa sa mga petsa ng kalendaryo ang swerte, ayon na rin sa ilang kilala sa larangan ng feng shui.

May sampung straight palindrome dates kasi ang Hunyo, at ayon sa paniniwala, swerte raw ang dala nito.

Ang palindrome date ay kahit baligtarin o basahin nang pabalik ay pareho pa rin, gaya ng 62026 (Hunyo 20, 2026).

Kung swerte ang laman ng usapan ay iba’t ibang putahe ng rason at kahulugan ang lilitaw.

Hindi raw basta lalapag ang kabuwenasan sa inyong harapan dahil ito ay hinahanap sa labas ng bakuran.

Sabagay, dahil maraming punto hinggil sa swerte kaya hayaan na natin kung anoman ang kaisipan ng bawat isa.

Gawin muna natin itong tanong, gaya ng katanungan kung bakit nangingibang bansa ang mga Pilipino.

Magiging debate na naman ito.

Ayon sa isang ulat, 64 porsyento ng mga pamilyang Pilipino ay hindi kayang bayaran ang P10,000 na hospital bill nang hindi nauuwi sa utang. Ito umano ang nagtutulak sa maraming Pilipino na maghanap ng mas mataas na kita sa ibang bansa para masigurong may pambayad sa basic healthcare.

Ayon sa ulat, ang pinansyal na seguridad na gumagarantiya ng akses sa serbisyong pangkalusugan sa panahon ng medical emergencies ay unang prayoridad para sa 70% mga pamilyang Pilipino.

Patuloy na tumataas ang gastos para sa kalusugan at kahit may programa ang pamahalaan sa healthcare ay hindi pa rin maiaalis sa ibang Pilipino na matakot kapag nakaramdam na ng sakit dahil nauunang sumasagi sa isip ang gastos sa pagpapagamot.

Sabi nga, mas mahal magkasakit, pero kailangan pa bang lumabas ng bansa para masigurong may pananggalang sa kalusugan?

88

Related posts

Leave a Comment