BALIKBAYAN PATAY, 5 SUGATAN SA SALPUKAN NG 2 SASAKYAN

CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang 67-anyos na babaeng balikbayan habang sugatan ang limang iba pa makaraang magsalpukan ang dalawang sasakyan noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa diversion road sa Barangay Barra, Opol, Cagayan de Oro City bandang alas-11:58 ng gabi.

Base sa imbestigasyon, sakay ang biktimang si Emilyn Pagaling, isang dating agricultural engineer, residente sa Malaybalay City, sa isang itim na Ford Expedition na minamaneho ni Carlo Emil Bongcayao, nang salpukin ito sa tagiliran ng isang Ford Everest na minamaneho ng isang 17-anyos na menor de edad.

Sa kuha ng CCTV, makikitang mabilis ang takbo ng Everest habang paparating ito sa intersection at hindi na nagmenor kaya nasalpok nito ang sasakyan ng biktima.

Isinugod sa ospital ang biktima subalit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Nasugatan din ang iba pang mga sakay ng Expedition kabilang ang mister ng nasawi na si Judito, 70, ang kanilang anak na si Kathleen Cecille, 36, at tatlong menor de edad.

Sa video post sa Facebook ni Dr. Rey Jude Pagaling, anak ng nasawi, makikitang masaya nilang sinalubong ang kanilang mga magulang sa airport mag-a-alas-10:00 ng gabi.

Kararating lamang ng biktima mula sa Estados Unidos para magbakasyon sa Pilipinas.

Inihahanda ng pulisya ang kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, and damage to property laban sa nakabanggang driver ng SUV. (NILOU DEL CARMEN)

101

Related posts

Leave a Comment