BUBUSISIIN din ng Philippine National Police ang umano’y banta sa buhay ng kanilang Commander in-chief, ang Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., base sa kumakalat na mga video hinggil sa naging banta umano ni Vice President Sara Duterte
Inihayag ng PNP Criminal Investigation and Detection Group na iimbestigahan nila ang umano’y banta ni VP Sara kay Pangulong Marcos, maging sa asawa nitong si First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Magugunitang nitong nakalipas na linggo ay mabilis na kumalat ang umano’y pagbabanta ni VP Sara. Inaakusahan din ang ilang government officials ng korupsyon at umano’y kagustuhan ni Speaker Romualdez na mawala siya.
Sa kumalat na video kaugnay sa umano’y Zoom presscon ni VP Sara at ng kanyang chief of staff na nakadetine sa Kongreso, sinasabing may nakausap na siyang tao para patayin sina Marcos, Romualdez, at First Lady Liza Araneta-Marcos sakaling mamatay siya. At hindi umano ito biro.
Subalit nilinaw ni VP Sara na ang nasabing pahayag laban sa pangulo ay ‘maliciously taken out of logical context’.
Ayon kay Duterte ang kanyang pahayag na ipinag-utos na niya na likidahin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kapag umano’y nagtagumpay ang plano laban sa kanya (VP Sara) ay “maliciously taken out of logical context.”
Ayon kay CIDG chief, BGen. Nicholas Torre III, bubusisiin nila kung may katotohanan ang pahayag ng pangalawang pangulo na may nakausap na siyang hitman.
“Nandoon tayo sa level na ‘yon, ‘yon talaga ang abot naming – kung totoo nga bang may hitman, kung totoong baka wala namang hitman, o baka naman ‘yan ay figure of speech na naman. ‘Yon ang ating mga titingnan diyan. And we will be including all of those and considering those in our investigation.”
Una nang kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jimmy Santiago ang authenticity ng video kung saan mayroong inutusan umano si Vice President Sara Duterte na ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung sakaling siya ay mapatay.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, inatasan sila ni Justice Secretary Jesus Remulla na beripikahin ang authenticity ng video.
Ang nasabing kautusan din ay matapos na ipag-utos ni Executive Secretary Lucas Bersamin at ng Presidential Security Command na imbestigahan ang banta ni Duterte.
Dagdag pa ni Santiago, nakita ng kanilang NBI Cybercrime investigators na ang video ng bise presidente ay tunay at hindi deepfake o AI generated. (JESSE KABEL RUIZ)
81